Matagal nanatili sa ibang bansa si Chantal (Solenn Heusaff) at dahil independent at mahilig na rin sa kasiyahan, marami ang nag-iisip na isa siyang “easy girl.” Ngunit ang totoo, true love ang kanyang hinahanap at hanggang ngayon may pag-tingin pa rin siya sa kanyang ex-boyfriend na si Tristan (Ahron Villena).
Kahit may iba nang karelasyon si Tristan, malimit pa ring nagkikita ang dalawa bilang magkaibigan. Iisipin ni Chantal na nais siguro makipagbalikan sa kanya ng dating nobyo, pero may lihim na masamang balak lang pala ito sa kanya.
Mali lang ba ang magiging pagtingin sa kanya ni Tristan kaya matuturing na pananamantala ang gagawin sa kanya nito? Ngunit paano kung kasama rin sa kalokohan ang mga kaibigan ng kanyang dating nobyo? Meron nga bang magaganap na pamimilit at pagmamalabis o ito’y isang laro lamang kung saan makapaghihiganti si Chantal kay Tristan? At ang pinakamahalagang tanong -- Paano mapananagot ni Chantal ang mga magkakasala sa kanya kung mismong mga kaibigan at pamilya niya ay may mababaw na pagtingin sa kanyang pagtao at pagkababae?
Isang kontrobersyal na kwento ang hatid ng Karelasyon ngayong ikalawang Sabado ng Disyembre. Pagbibidahan ni Ms. Solenn Heussaff, kasama sina Ahron Villena, Carla Humphries, Dexter Doria, David Licauco at Arvic Tan. Mula ito sa panulat ni Ralston Jover at direksyon ni Adolf Alix, Jr.
Mapapanood ang Karelasyon tuwing Sabado pagkatapos ng #Like sa GMA-7.