
Panoorin ang kanyang maanghang na pahayag sa 'News To Go.'
Hindi naiwasang manggalaiti ni Irma Adlawan, bida ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Oro nang makapanayam siya ng 24 Oras tungkol kay Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chair na si Liza Dino-Seguerra.
Naging kontrobersyal ang isang eksena sa naturang pelikula kung saan may asong pinatay. Ito ang naging dahilan ng pagbawi ng FPJ Memorial Award na iginawad sa Oro, pati na ang pag-pull out nito mula sa mga sinehan. Hindi nagustuhan ng aktres ang diumano'y panghihimasok ng FDCP Chair sa isyu.
Ani Irma, “Siya, ganyan lang siya ng ganyan eh (salita lang ng salita eh). Wala siyang official [capacity], that’s why even Tim Orbos, I’m sorry. Bakit wala siyang sinasabi? Siya ang chairman, ‘di ba. So bakit napakataas ni Liza Dino?”
“Apat na bodies ang nanood, then suddenly Liza Dino comes in. Kung we offended any of the selection committee nor the MMFF ExeCom, they should have made it official,” patuloy niya.
Sa pahayag na ipinadala ni FDCP Chair Dino-Seguerra sa 24 Oras, giit niya na ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho.
Wika niya, “FDCP is a permanent member of the MMFF Executive Committee. I am speaking in an official capacity both as a member of the committee and as head of my agency.”
“MMDA Chair Tim Orbos asked me to address this issue personally because the misrepresentation about the dog scene happened to me personally,” paglilinaw rin nito.
Apela ni Oro Director Alvin Yapan
Sa hiwalay na panayam ng News To Go, nagbigay na rin ng paliwanag ang direktor ng Oro na si Alvin Yapan.
Saad niya, “Nakakalungkot na meron nga talagang napatay na aso pero nais kong paulit-ulitin sa mga interview, hindi kami ang pumatay sa aso. Ni wala sa production team ang pumatay sa aso.
“Gagawin ko pa rin ba ‘yung eksenang iyon sa ganoong paraan kung wala kaming nahanap na tagakatay ng aso? Of course, hindi namin gawin. Hindi ko rin inimbento ‘yung metapora ng aso para lang pumatay sa loob ng isang pelikula. Talagang kabahagi talaga siya nung script. Kabahagi talaga siya nung kuwento, nung salaysay, at hindi ko siya inimbento. At hindi ko rin inimbento ‘yung kultura ng karahasan doon sa lugar na kung saan kami nag-shoot,” dagdag ng direktor.
Sambit din niya, kung may sapat na ebidensya raw ang The Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na sila ang may kagagawan sa pagpatay sa aso sa pelikula, dapat lamang na mag-file ito ng kaukulang demanda. Samantala, hanggang ngayon daw ay wala pa silang natatanggap na pormal na reklamo.
Pag-alma rin ni Direk Alvin, hindi makatarungang ma-ban siya ng isang taon sa paggawa ng pelikula sa MMFF, pati na ang hiling ng PAWS na tanggalin siya sa Directors’ Guild of the Philippines, Inc.
Giit niya, “Karapatan ko ‘yun bilang isang filmmaker na ipahayag ‘yung aking saloobin. Freedom of expression. Kung kaya unfair ‘yun. Pero gusto ko na pag-usapan muna ng mga tao bago tayo magpadala sa bugso ng ating mga damdamin.”
Video courtesy of GMA News
MORE ON 'ORO':
READ: Heart Evangelista at Carla Abellana, umalma sa pagpatay ng aso sa pelikulang 'Oro'