
Produkto ng youth variety show na That's Entertainment noong '80s ang si Romano Vasquez.
Pero napasabak daw siya sa mga sexy films dahil sa pinansiyal na pangangailangan.
"Biglang umusbong 'yung mga tinatawag na titillating films, TF films, ST [sex trip] movies. Kaming mga ordinaryong aktor wala kang project that time kasi uso noon paseksihan," kuwento niya.
"May nag-offer sa akin. Sabi niya, 'Wala ka naman ding project ngayon. Bakit di mo subukang mag-cameo role sa isang pelikula ni ganito? Subukan natin.' Sabi ko 'Sige, why not?' Total aktor naman ako. Bakit naman hindi ko tatanggapin?" dagdag pa niya.
Mula sa pagiging wholesome na matinee idol, mas lalo pa siyang sumikat bilang isang sexy star.
"Masaya kasi hindi ka naman mapupunta sa ganoong films kung hindi ka naman sexy," aniya tungkol sa muling pag-usbong ng kanyang career dahil sa sexy films.
Pero may kaakibat din ito ang panghuhusga sa kanya ng ibang tao.
"Sa isang banda naman malungkot din dahil para bang ang tingin ng iba hindi masyadong maganda. Kaya lang, wala na kong pakialam sa sasabihin ng iba dahil 'pagka sikmura mo naman ang kalaban mo, wala ka naman ibang sisisihin kung hindi sarili mo," pahayag ni Romano.
Hindi tumagal, lumamlam na rin ang pagtanggap ng publiko sa mga sexy films.
"That time na nawawala na 'yung mga sexy movies, bigla na lang hindi na siya kumikita. I think it has something to do with [the fact that] hindi na siya pwedeng ipalabas sa mga malls," kurokuro niya.
Naapekuthan nito ang career ni Romano at tuluyan na siyang naghirap. Sa katunayan, umabot pa sa puntong nagi siyang palaboy.
"Hindi ko alam kung anong maiisip ko kundi, wala talaga kong kakapitan eh. Parang isang himala na lang ang hininintay ko," pag-alala niya.
Muli namang nakabangon si Romano matapos maging miyembro ng isang networking organization. Ngayon isa na siyang entrepreneur at motivational speaker.
Panoorin ang feature ng programang iJuander kay Romano: