
Ibinuking ni Kapuso star Rodjun Cruz ang status ng rumored couple na sina Janine Gutierrez at Rayver Cruz.
“Ang alam ko, masaya sila,” patawang sinabi ng kapatid ni Rayver sa ekslusibong panayam ng GMANetwork.com.
Dagdag pa ni Rodjun, “’Pag magkasama sila, sobrang saya nila. Love ko si Rayver [at] sobrang close ko iyon pero nirerespeto ko rin siya eh. Hindi na ako nagtatanong pero makikita ko naman na masaya silang dalawa. Madalas kung walang work, palagi silang magkasama.”
Boto raw ang aktor sa kung ano’ng mayroon sina Janine at Rayver, “Sobrang happy ako para sa kanilang dalawa kasi si Janine [ay] mabait [at] si Rayver [din ay] mabait tapos parang magkamukha na sila eh so hinahayaan ko silang mag-enjoy. Sila na bahala kung ano man ang kuwento nila. Sila na ang magsabi.”
Noong nakaraang linggo ay inamin ni Janine na single siya pero may dine-date siya ngayon. Si Rayver naman ay bukambibig ang aktres sa kanyang mga interviews.