
Isa sa mga hottest teen stars ngayon ang Kambal, Karibal star na si Pauline Mendoza. Sa kasikatan at papuring kanyang natatamo ngayon, tila perpekto na ang kanyang buhay. Ngunit sa likod ng kanyang mga ngiti, may matinding pagsubok na pinagdaraanan ang kanyang pamilya.
Hindi niya napigilang maging emosyonal matapos niyang ibahagi sa Kapuso Mo, Jessica Soho ang health condition ng kanyang ina.
Bahagi niya, "Isang part pa rin po ng struggle na dumating sa life ko and sa family ko, noong na-diagnose po 'yung mommy ko with stage 3 breast cancer. We didn't expect na dumating 'yun sa life namin. Na-question ko rin kay God, paano? Bakit siya pa?"
Ginagawa raw ni Pauline ang lahat para mapasaya niya ang kanyang mommy. Sa katunayan, siya rin daw ang isa sa mga dahilan kung bakit siya nag-artista.
"I'm so proud of her kasi kinakaya niya lahat kahit may sakit siya, hindi niya ipinapakita sa'min na mahina siya. Sobrang bilib kami ni Daddy sa kanya. Siyempre, tatlo lang kami sa family so ayaw namin may mawala kaya super alaga kami sa isa't isa talaga. Everything I'm doing now is for my mom. 'Yung pag-aartista ko, natutuwa siya kapag everytime na nakikita niya ko sa TV, napapanood niya ko. Natutuwa din ako kasi kailangan lagi siyang happy," kwento niya.
Malayung-malayo raw ang kanyang personalidad sa karakter na kanyang ginagampanan sa Kambal, Karibal. Ang kanyang kinikita sa pag-aartista ay ginagawa niyang tulong para sa mga gastusin sa bahay at para sa pang-tustos sa kanyang pag-aaral.
Saad niya, "Si Pauline bilang anak, matulungin po siya sa magulang niya. Lalo na po ngayon, I make my own money na po. Tumutulong na po ako sa kanila sa gastusin sa house and sa school ko."
Dumating man ang isang napakalaking pagsubok sa kanilang buhay, nananatili pa ring matatag si Pauline para sa kanyang ina.
Panoorin ang buong panayam sa Kapuso Mo, Jessica Soho:
Video from GMA Public Affairs