
Naka-relate si Kim Domingo sa post ng isang lalaking gumaganap na extra sa TV. Pag-amin ng Bubble Gang star, totoo raw ang mga ikinuwento nito dahil siya mismo ay naranasan na maging extra noon.
Simula noong siya ay nasa high school pa ay nagtrabaho na raw bilang talent si Kim. Ito rin daw ang mga panahon nangangarap siya maging isang artista at para makadagdag ng kaunting tulong sa kanyang pamilya.
Aniya, “Init, pagod, puyat, gutom, halo halo na yung nararamdaman mo. Tas pag kakain ka kahit saan nalang basta may mapwestuhan ka. Ako nga na-experience ko sa kalsada naglagay lang kaming mga kapwa ko talent ng sapin para may maupuan kami para makakain kami ng kahit papano kumportable.”
“Tapos after kumain mahaba-habang oras na naman aantayin mo kung kailan ka isasalang sa eksena. Yung hindi mo alam ano oras ka makakauwi. Antok na antok ka na. Hahanap ka ng pwesto para umidlip man lang,” patuloy niya.
Bahagi rin niya, masaya na raw siyang kumita ng Php 500 kahit mahigit 24 oras siyang nasa taping kung saan kinuhanan lamang siya bilang isang passer-by. Ngayon, mas masaya siyang nakamit niya ang kanyang hiling.
Nagpahayag din siya ng paghanga at suporta sa kanyang mga kapwa extra.
Sambit ni Kim, “Kaya sa mga nagta-talent dyan, kung gusto nyo ginagawa niyo ipagpatuloy niyo. Tiyaga at tiis lang dadaloy din ang ginhawa. At wag mawawalan ng pag-asa, kung para sa pangarap laban! Kung para kumita ng pera laban! At wag makakalimot sa nasa itaas at kung saan ka nagmula. Hindi biro ang ginagawa niyo at wala kayong dapat ikahiya dyan. Saludo ako sa inyo.”