
Muling nag-renew ng management contract sa GMA Artist Center ang highly-talented actor at performer na si Rodjun Cruz kahapon, Oktubre 9.
Dumalo sa contract signing sina GMA Entertainment Group Senior Vice President Lilybeth G. Rasonable, GMA Vice President for Corporate Affairs and Communications Angel Javier Cruz, GMA Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago- Lara, GMA Artist Center Assistant Vice President and Head for Talent Imaging and Marketing Unit Simoun Ferrer, Senior Talent Manager Vic del Rosario at Leo Dominguez, ang co-manager ni Rodjun.
Lubos na nagpapasalamat si Rodjun sa tiwala at suporta na ibinibigay ng Kapuso Network sa kanyang career. Ipinagmamalaki ni Rodjun na ang mga proyektong ibinibigay ng GMA sa kanya ay humahasa sa kanyang talento bilang isang artista.
“Sobrang thankful talaga ako sa GMA sa tiwala na ibinibigay nila sa akin. Dito ko na-experience maging aktor dahil na-explore ko ang iba't-ibang roles. Na-explore ko rin yung talent ko sa pagkanta at sa pagsasayaw. Mas ganado akong magtrabaho ngayon dahil nae-enjoy ko yung trabaho ko at marami akong napapasayang tao.”
Ayon sa kanya, hindi niya malilimutan ang mga ginampanang karakter sa My Husband's Lover at Encantadia.
"First role na ginawa ko sa GMA ay si Martin sa My Husband's Lover. Of course, favorite role ko rin si Paopao sa Encantadia, pero halos lahat po talaga ay challenging para sa akin,” ani Rodjun.
Napanood at hinangaan din siya sa mga programa ng GMA tulad ng Ang Dalawang Mrs. Real, Legally Blind, at Hindi Ko Kayang Iwan Ka.
Ibinihagi rin ng Kapuso heartthrob na gusto niyang makatrabaho ang nakababatang kapatid na si Rayver sa isang serye.
“Hopefully, makatrabaho ko si Rayver sa isang project. Nag-enjoy kaming dalawa sa guesting namin sa Tonight with Arnold Clavio dahil parang hindi trabaho. Nakasayaw at nakakanta rin kami together. Sana sa susunod, magkaroon kami ng acting project.”
Samantala, ipinahayag ni Rasonable ang kanyang kasiyahan sa pananatili ni Rodjun sa Kapuso Network. Dagdag pa niya, magkakaroon ng iba't-ibang proyekto si Rodjun kung saan niya maipapakita ang kanyang natatanging galing sa pag-arte at pagpe-perform.
“Alam naman natin na he's a multitalented artist. Not only can he act, he can also dance. Mayroon tayong ibibigay na projects sa kanya sa drama. At the same time, we will also have him on Studio 7. Dapat abangan ng mga Kapuso dahil pwede silang magsama ni Rayver.”