
Nagsimula ang lahat noong nag-viral kamakailan ang video ng isang lalaki na pumunta sa isang radio station sa Butuan, Agusan del Norte para ireklamo ang hindi matapos tapos na paggawa ng daan sa lugar nila.
Naging daan din ito para mas mapag-usapan ang personal na buhay ni mister, na napag-alamang may dalawang misis.
Si Junior, sabay pala umiibig sa dalawang babae. Ang kaniyang dalawang misis, si Tess, ang legal wife at si Gena, ang “other woman.” Magkakasama rin silang nakatira sa iisang bahay.
Kuwento ni Junior sa Kapuso Mo, Jessica Soho, “Si Tess, mahal ko. Si Gena, mahal ko rin.”
Ayon kay Tess, 'di niya matiis na hindi makasama ang asawa. “Kung hindi ko matatanggap 'yung babae, hindi ko makikita 'yung asawa ko. Masakit na masakit po.”
Katuwiran naman ni Gena, mahal niya si Junior. Aniya, “Kabit ako ni Junior. Pero kahit hindi siya maging akin, mahal ko na po talaga siya.”
May dalawang taon na silang nakatira sa iisang bahay. Ang dalawang misis, sabay na nagluluto at naghahain ng pananghalian ng kanilang mister. Sabay-sabay rin silang pumupunta sa bukid para magtanim. Magkakasama ring inaalagaan ang kanilang mga anak.
Nagkaroon daw ng hinanakit ang mga anak ni Junior sa kanya noong una silang nagsama ni Gena.
Ani Junior, “Hindi naman sila nagalit, Pero nung una na wala pa kami sa bahay, May mga punto na nagalit sila sa akin at sa kanya.”
Dagdag niya, “Pero 'yung punto na nandiyan na kami sa bahay, wala na.”
Sa gabi, si Tess at ang kaniyang mga anak, natutulog ng magkasama habang si Junior at si Gena magkasama sa ibang kuwarto.
“Ang nararamdaman ko para kay Tess at kay Gena, parehas lang. Hindi ko gusto na mawala 'yung isa, hindi ko gusto na mawala ang isa,” saad ni Junior.
Paano kaya sila nakarating sa ganitong sitwasyon? Panoorin:
Video courtesy of GMA Public Affairs