
Nanawagan si Jerald Napoles sa mga sinehan na suportahan ang kanyang pelikulang Ang Pangarap Kong Holdap.
Matapos ang advance screening ng pelikulang Ang Pangarap Kong Holdap, malungkot na ipinamalita ni Jerald at ng kanyang co-stars na hindi pinahihintulutan sa ilang sinehan na ipalabas ang naturang pelikula.
READ: Jerald Napoles, Paolo Contis, Pepe Herrera, umapela para sa Ang Pangarap Kong Holdap
Sa exclusive interview ng aktor sa GMANetwork.com, kanyang inihayag ang pagkadismaya sa kawalan ng suporta para sa kanilang ginawang pelikula.
Sambit ni Jerald, “Ang una kong hinanakit, nawalan kami ng premiere night kasi syempre, ayaw ipalabas eh. Pero ngayon meron nang mga sinehan na unti-unti na, unti-unti nang lumalabas 'yung mga sinehan, 'Hindi sige, kunin natin 'yan,' which is good.”
Dugtong din niya, “Ang sa akin lang, tanungin niyo na lang 'yung mga nanood sa Cine Adarna noong advance screening because those are people from the University of the Philippines and critics. Now if they say that we suck or that we are really… may masama talaga kaming intensyon at gusto naming ipagkalat na mangarap tayong magholdap, eh okay, tanggap namin. Kasi MTRCB okay kami eh, R-16 nga eh.”
Nagpapasalamat si Jerald sa mga sinehang tumanggap sa Ang Pangarap Kong Holdap. Gayunpaman, mariing nanawagan ang aktor na panahon na para suportahan ang mga gawang Pilipino.
Aniya, “Ang pinaka-opinyon ko dyan, umunlad na tayo sa ganyan. 'Wag na tayo mangharang, magagaling ang Pinoy. Hindi na uso 'yung pagpapalabas ng tae kasi meron nang magaganda.”