
Marami ang na-curious kung nasaan na nga ba si Nicole Dulalia, ang dating child star na gumanap sa karakter ni Sha-sha sa 2007 GMA fantaseries na Super Twins, matapos ilabas ng GMANetwork.com noong August 8 ang isang gallery tungkol sa kanya.
Marami rin ang namangha sa transformation ng dating child actress na ngayon ay 20 years old na.
Nakapanayam namin si Nicole sa pamamagitan ng isang Facebook message at malugod naman nitong sinagot ang aming mga katanungan.
Ayon kay Nicole, hindi naman siya tumigil sa pag-arte at nag-lie low lang sa showbiz dahil sa kanyang pag-aaral. Sa katunayan, pagkatapos ng Super Twins ay sunud-sunod pa rin ang kanyang mga proyekto gaya ng Alice Bungisngis and her Wonder Walis (2012), Villa Quintana (2013-14) at Destined To Be Yours (2017).
Wika niya, "Nag-aral po ako and, at the same time, lumalabas pa rin po ako sa TV pero bilang mga supporting character po."
Paglilinaw pa niya, "Hindi ko naman po iniwan ang buhay showbiz."
Kwento ni Nicole, hindi naging madaling pagsabayin ang pag-aaral at showbiz kaya minabuti niyang pagtuunan muna ang pag-aaral.
Ika niya, "Time management lang po talaga, minsan po uuwi ako galing sa shoot ng 7 a.m., makiki-shower lang po ako sa GMA Building tapos change outfit na po ako na school uniform.
"Kahit po may mga shoot ako, hindi ko po talaga naisip na iwan ang pag-aaral since alam ko po na walang permanente dito sa mundo."
Dagdag pa niya, "Hindi forever ang buhay showbiz pero at least po ang titulo ko na nakatapos ako ng pagaaral ay forever."
Ngayong graduate na si Nicole sa kursong Communication sa UST Angelicum College, handa na raw siyang muling balikan ang kanyang first love: ang pag-arte.
"Ngayon na nakapagtapos na po ako ng pag aaral, masasabi ko po na pwedeng-pwede na 'ko makabalik sa showbiz, kung bibigyan ng pagkakataon na maipakita ko po ulit ang angking talento at kakayahan sa pag-arte."
Aminado si Nicole na sumagi sa kanyang isip na lisanan ang showbiz pero dahil sa kanyang mga taga-suporta, lalo pa siyang na-motivate na pag-ibayuhin ang kanyang talento.
Sambit niya, "Sa totoo lang po, lately, napapaisip ako at tinatanong ang sarili ko kung para ba talaga ako sa industriya na ito, dapat ko bang ituloy ang pag arte.
Dugtong niya, "Sakto po na lumabas ang write-up tungkol sa akin at sobrang daming positive comments na galing sa libu-libong tao."
"Sobrang nakakatuwa po na naaalala pa rin po talaga nila ako."
Diin pa ni Nicole, "Kaya hinding hindi ko po iiwan ang buhay showbiz.
"Masaya po ako na marami akong napapasaya na tao."
READ: Dingdong Dantes, idolo ni Nicole Dulalia sa pag-aaral