
Isang sorpresa ang natanggap ni Jean Garcia para sa kanyang kaarawan sa ginanap na press conference ng pelikulang Watch Me Kill kagabi, August 27.
Nagdiwang ng kanyang 50th birthday ang Kapuso actress noong August 22.
Kasabay nito ay ang pagtanggap niya ng bagong hamon sa kanyang kakayahan bilang actress--gagampanan niya ang role ng isang hired assassin sa action-drama-thriller movie na Watch Me Kill.
Ayon kay Jean, hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang pelikula ni Tyrone Acierto dahil gusto niyang i-challenge ang kanyang sarili.
Pahayag ng aktres, “Noong una ko pong nabasa 'yan sa email ko, nagustuhan ko siya agad.
“Kasi nga, one, hindi ko pa siya nagagawa, yung character na ganito.
“Two, parang gusto kong i-challenge ang sarili ko, na sa edad ko bang ito, kaya ko pang gawin ito?
“Pero challenging talaga siya sa akin kasi never ko pa siyang nagawa.
“Three, maganda ang story. Bihirang gumawa ang filmmakers ng ganitong klaseng pelikula.
“Plus, of course, gusto ko ma-experience ang isang director na nag-aral sa Amerika.
“Gusto kong makatrabaho ang isang director na nag-aral talaga ng filmmaking.”
Kakaiba rin daw ang kanyang karakter kumpara sa mga madalas niyang gampanan.
Sa katunayan, inilarawan pa niya itong “pinakaastig,” “Parang ang pinakaastig kong sosyal ay yung Madam Claudia, e, at Miss Minchin.
“Dito kasi, walang makeup, yung buhok ko bawal i-blower at kinukulot pa para magmukhang kadiri, malagkit, na hindi naliligo, ganun.
“Dineglamorize talaga, as in no makeup talaga. Even yung ginagamit kong damit, paulit-ulit.
“Sa buong pelikula, tatlong polo lang ang nagamit ko, dalawang pants lang, at saka yung boots ko, isa lang siya.
“Yung sando lang ang medyo marami kasi panloob na siya. Pero yung polo, tatlo lang yun, ilang araw din siya sa buong pelikula.”
Bilang paghahanda, nag-volunteer daw ang 50-year-old actress na sumailalim sa gun handling at krav maga training.
“Pinag-train ako ng paghawak ng baril, ng tatlong klaseng baril--from pistol to machine gun to shotgun.
“May mga fight [techniques] din na itinuro sa akin.
“Pero ito, kaya ko hiningi ang training na ito kay Direk Ty is because gusto kong mag-focus sa character ko as Luciana, as assassin.
“Pero gusto kong ma-train para hindi ko na iisipin, hindi na naming idi-discuss sa set kung paano ang tamang paghawak ng baril.
“Dahil doon sa training kong 'yon, mas naging confident ako.
“So, more on acting na, more on yung character na, doon na ako naka-focus sa gustong ipagawa ni direk.
“Confident na ako sa paghawak ng weapons.”
Sa press conference, nabanggit ni Jean na hindi lamang siya ang aktres na naisip ni Direk Tyrone para gumanap bilang Luciana.
Gayunman, hindi raw isyu ito para sa seasoned actress.
Katuwiran niya, “Sabi nga nila, kapag para sa 'yo ang pelikula, para sa 'yo talaga.
“Ako, it doesn't matter kung first pick ka o second pick ka, ang importante ay ikaw ang gumawa ng pelikula.”
Makakasama ni Jean Garcia sa Watch Me Kill sina Jay Manalo, Althea Vega, at Junay Santarin.
Ang Watch Me Kill ay isa sa mga opisyal na kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino na gaganapin sa September 11-17.