
Si Rocco Nacino ang nag-iisang Kapuso sa cast ng upcoming rom-com film na Write About Love.
Aniya, hindi ito naging hadlang para mabuo ang magandang samahan nila ng kanyang co-stars na sina Miles Ocampo, Yeng Constatino, at Joem Bascon, na contract artists ng kabilang istasyon.
"Nakakatuwa lang na sa isang proyekto kami magsasama-sama at itinuturing kong isang barkada," sambit ni Rocco sa panayam noong exclusive luncheon ng Write About Love.
"It was fun being at out of the box, it was fun being in a different territory kasi nag-establish ako ng rapport sa lahat pati sa production.
"Pinagdaanan ko 'yun.
"As an actor, it's always challenging."
Dagdag pa ni Rocco, "Mas healthy kapag walang network war kasi mas maraming magkakaroon ng trabaho.
"Maganda 'yung united lahat."
Aminado si Rocco na kailangan niyang mag-adjust sa kanyang mga bagong katrabaho kaya gumawa siya ng paraan para makibagay sa mga ito.
Ika niya, "Maraming pagbabago, especially sa 'kin sa mga ka-eksena ko.
"Nanlilibre ako ng mga pagkain, milk tea, para makuha ko 'yung loob nila.
"It was easy.
"Si Joem, kaibigan ko talaga, sina Miles at Yeng 'yung first time ko talaga naka-'Hi, I'm Rocco.'
"Siyempre, 'di ko naman in-a-assume [na kilala nila ko kaya] nagpakilala 'ko."
Ano naman kaya ang masasabi ni Rocco sa kanyang love team na si Miles?
Sagot ng Descendants of the Sun actor, "Witty siya.
"Ang layo ng age gap namin pero sabi ng mga executives na bagay daw kami and it actually worked in a non-malicious way.
"Tina-try kong makipagsabayan sa mga joke niya. Kadalasan talo ako.
"'Di s'ya nauubusan ng jokes kaya nakakatuwa siya kasama."
Ang Write About Love ay handog ng TBA Studios na siyang nagprodyus ng ilang critically-acclaimed films gaya ng Heneral Luna, Goyo, Bliss, Birdshot, at I'm Drunk, I Love You.
Ang Write About Love ay idinerehe ni Crisanto Aquino.