Article Inside Page
Showbiz News
"Bagong" Katrina Halili ang humarap sa PEP at iba pang piling entertainment press sa mini-presscon na ibinigay sa kanya ng publicist niyang si Lolit Solis.
"Bagong" Katrina Halili ang humarap sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang piling entertainment press sa mini-presscon na ibinigay sa kanya ng publicist niyang si Lolit Solis kahapon, April 2, sa Via Mare restaurant sa Tomas Morato, Quezon City. Maikli na kasi ang kanyang buhok, na aniya'y pinagupitan niya noong Linggo, March 29, pagkatapos ng SOP.
Bukod sa kanyang buhok ay kapansin-pansin ang pagiging maaliwalas ng mukha ni Katrina. Tila na-overcome na nga nang tuluyan
StarStruck alumna ang stress na idinulot ng pagkakasangkot niya sa hiwalayang Dra. Vicki Belo at
Hayden Kho bago matapos ang 2008.
A More open Katrina

Kung noon ay tila nahihirapan siyang pag-usapan ang tungkol sa isyung ito, ngayon ay malinaw niya nang naipapahayag ang kanyang tunay na damdamin.
Sa tingin ba ni Katrina ay galit pa rin sa kanya si Dra. Belo?
"Hindi pa po kami nagkaron ng chance mag-usap."
Totoo bang nagkita na sila pagkatapos ng lumabas ng kontrobersiya?
"Nagkita po kami sa mall before, sa mall. Tinext ko sya na nakita ko siya, pero ayun, nag-text po kami."
Sinagot ba ni Dra. Belo ang text niya?
"Opo, magkikita dapat kami, kaso pupunta siya ng States."
Gusto niya bang magkausap sila para maayos na ang problema sa pagitan nila?
"Oo naman po," sagot niya. "Gusto ko magkaron ng chance na magkausap kami nang maayos, kasi mabait naman po si Dra. Belo, di ba? And aminado naman ako, kung ano man yung naging kasalanan ko, ayun, sana po tapos na. Kasi, di ba, tapos na po talaga siya, dalawang taon na po."
Katrina wants a "man"
Gusto rin niya bang makausap si Hayden?
"Siguro po, hindi na, kasi parang.... Huwag na... Ayoko, parang tama na yung ginawa niya, di ba? Ayoko na pong linawin yung sinabi nya na yun, tama na. Kung ano man yun, e, di yun. Kung sa kanya ganun, e, di ganun," tila naguguluhang sabi ni Katrina.
Hindi nakaligtas sa pandinig ng entertainment press ang sinabi ni Katrina na kung sakaling ma-in love ulit siya ay gusto niya ng: "Siyempre yung ano, responsible, di ba? At tsaka lalake..."
Ano ang ibig niyang sabihin sa tinuran niyang "lalake"? Ibig bang sabihin nito ay hindi "lalake" si Hayden? tanong ng entertainment press sa kanya.
"Lalake... Hindi yung ano, para kang ano, para kang bakla... Hindi, wala naman po. Ibig ko lang sabihin, di ba, kung may pagkakamali ka, nagdadamay... Hindi ako nagsasabi na idinamay mo ako, pero, di ba? Ayoko ko na po magsalita, basta yun lang," tila nahihirapang paliwanag ni Katrina.
"Hindi ko po sinabing bakla po siya, pero hindi naman po ako nanghahamon ng away," patuloy niya. "E, kasi po, di ba, alam naman po siguro ng ibang tao yun. Kahit kayo naman po siguro, nung napanood n'yo po yun [interview ni Hayden], di ba, may lalaki po bang ganun? I mean, hindi ko po sinasabing bading po siya...
"Para lang ipagtanggol mo yung sarili mo, alam mo yun? Wala akong sinabing... Kasi baka sabihin ng ibang tao, nagpapakalinis po ako. Pero kung lalaki ka, di ba? Pero lalaki naman siguro siya, kasi hindi naman niya idinamay yung iba.
"Ako, dedma na lang ako, nagkaron po ako ng kasalanan. Humihingi po ako ng tawad, tapos na po yun. Dalawang taon na po yun, ayoko na po. Gusto ko na po kalimutan. Tao lang po ako, sorry po kung nagawa ko yung kasalanan. Hinarap ko naman po," saad ni Katrina.
Hindi pa raw sila nagkikita ulit ni Hayden simula nang pumutok ang isyu tungkol sa naging ugnayan nila noon. Ano ang magiging reaksiyon niya at kung ano ang sasabihin niya kay Hayden kung sakaling magkita sila?
"Ayoko, huwag na... Meron akong ano, gusto ko siya puntahan, tanungin, pero huwag na lang. Di ba nga, sabi ko nga, kung ano man 'yon, tapos na po. Kung masama yun.... Kung ako, mabuti yung pakitungo ko sa tao, pero iba yung sa kanila, okay lang, tapos na, deadma na lang."
Napaso na ba siya sa pakikipagrelasyon?
"Napaso? Opo, kasi po ngayon, mas ano na, hindi na... Mamimili na ako siyempre, di ba? Mahirap, e, mahirap pala magtiwala sa lalake. Di ko alam, ang galing magsinungaling! Ang ibig ko sabihin, ang hirap... Okay lang, sige, ako rin naman po nagkasala, e, forgiven siya do'n."
Bagamat napaso na siya, hindi naman ito nangangahulugan na hindi na siya iibig muli?
"Sa babae na siguro! Joke lang! Hindi!" biro niya.
Out of the picture?
Bago lumabas ang isyu sa pagkakaugnay ng pangalan niya sa breakup nina Dra. Belo at Hayden, na-link romantically si Katrina sa singer na si Kris Lawrence. Pero pagkatapos lumabas ng isyu ay bigla na ring natapos ang relasyon nila.
Tinanong ng PEP si Katrina kung ano ang ibig sabihin ng pagpunta nilang sabay ni Kris sa U.S. noong nakaraang taon.
"Actually po, kasi yung U.S. na yun, August pa lang... Friends lang, magkakilala kami ni Chris. Nakaplano na po na pupunta ako ng States nung December kasi may friend po ako dun na in-invite po ako dun. E, taga-dun din po siya [Kris], e, uuwi din siya ng Christmas, so sabay kami," paliwanag niya.
Sa bahay ba nila ni Kris tumuloy si Katrina?
"Nagpunta po kami sa bahay nila, pero dun po ako sa friend ko tumuloy," aniya.
Ano ang pakilala sa kanya ni Kris sa mga magulang nito?
"Katrina po. Walang friend, love, blah-blah..."
Parang hindi kapani-paniwala?
"Friend po!" pilit ni Katrina.
Pero aniya, "E, siyempre, may something chorva na rin naman yun, e. Ako po, yung sa amin ni Chris, siyempre, hindi ko naman po itatago. Siyempre, sobrang open naman po ako, sinasabi ko sobrang inspired, happy ako, ganyan. Kaya nga po tumaba ako sa sobrang kainspayran ko. Na-inspire ako kumain, tumaba ako! Sobrang happy ako, nakita n'yo naman po at sinabi ko naman sa TV yun.
"Pero simula nung dumating yung mga issue, siyempre na-stress ako... Aminin naman natin naapektuhan ang trabaho ko. Parang dun ko na-realize na hindi ko na kailangan ng isa pang guy or ng tao sa paligid. Gusto ko po ayusin ang buhay ko nang ako lang."
Ano ang label niya sa naging relasyon nila ni Kris.
"Mutual understanding po, e. Nagkakaintidihan kaming dalawa. Inspired kami sa isat-isa," sabi ni Katrina.
Single lady
Ano naman ang naramdaman ni Kris nang magdesisyon si Katrina na huwag nang ituloy ang kung anumang namamagitan sa kanila?
"Kahit ako rin naman po ang nasa sitwasyon niya, ang bigat-bigat ng dinadala ko sa buhay ko. Siguro po, isipin rin n'yo na rin naman po yung nangyari, di ba? Mabigat, sobrang hirap, dala ko yung mundo!
"Pero nandiyan siya as friend. Opo, sinusuportahan naman nya ako. Ayoko naman po maging unfair. Gusto ko ayusin yung trabaho ko, yung sarili ko. Tapos, baka mawalan ako ng oras, so parang gusto ko muna maging single."
Gaano katagal niya planong maging single?
"Kasi, hindi naman natin masabi, di ba? Hindi ko po alam. Basta ngayon, gusto ko muna ayusin ang buhay ko. Pag okay na... Siguro ganun, kasi ang bigat-bigat naman po, di ba? Kahit kayo, isipin n'yo, sobrang bigat. Hindi lang 'to yung issue na yun, e."
Ngayon ba ay masasabi niyang wiser na siya pagkatapos ng lahat ng nangyari?
"Opo, siguro po ganun lang talaga yung buhay. May mga pagsubok tayo na pinagdadaanan and siguro, nandito lang ako sa sitwasyon na [taga-] showbiz ako. Nagkataon lang showbiz ako. Ganun po, tanggap ko na lahat ng consequence," pagtatapos ni Katrina.
Nakatakdang umalis si Katrina sa Lunes, April 6, papuntang Boracay para roon mag-Holy Week. -
PEP.ph
Get updates on her latest projects straight from Katrina herself! Text KATRINA [Your Message] Send to 4627 for all telcos. Each Fanatxt message costs PhP2.50 for Globe, TM, Smart, and Talk 'N Text, and PhP2.00 for Sun subscribers. This service is only available in the Philippines.
Alamin kung ano pa ang pinaka-hottest issues sa showbiz by logging on to to the iGMAForums! Not yet a member? Register
here!