
Wala raw dapat ikahiya kung matawag na tito, ayon kina Ian Veneracion at Ogie Alcasid.
Sa press conference ng upcoming concert nilang Kilabotitos kahapon, March 3, aminado sina Ian at Ogie na dumating na sila sa edad na tinatawag silang “tito” sa showbiz.
Pagdating sa pangangatawan, napansin daw ng dating matinee idol na si Ian ang malaking pagbabago sa kanyang paningin.
“Kasi dati, 20/20 ang eyesight ko,” sabi ni Ian.
“I took up flying so kapag pilot kailangan 20/20 ang vision.
“Pero lately, napapansin ko, kapag malayo, kailangan ko na magsalamin.
“I have no problems reading normally, pero kapag malalayo kailangan ko na ng glasses.
“At saka habang tumatagal, parang napapansin ko, 'Oh, bakit may puti rito sa balbas o sa bigote?'”
Sa parte naman ni Ogie, nakararamdam na raw siya ng pananakit ng katawan paminsan-minsan.
“I started feeling it when I turned 49 or 50, 'Ay, parang masakit [sabay hawak sa lower back].'
“I play a lot of golf but I think it's taken a toll on my back. Now, I go to a chiropractor.
“I keep telling my friends, 'Wala, buhay na natin ito, e.' It's pain management, e. You know, trying to keep playing through sport, e.”
Nabanggit din niya ang dating obserbasyon niya sa mga nakatatanda pagdating sa pananalita.
Kwento niya, “Parang nagiging ganun na rin ako. Nagba-buffering ang utak mo, ang dami mong gustong sabihin.
“I remember noong bata-bata ako, yung tatay ko at mga tito ko, ang daming iniinom na gamot. Sadly, ganyan na rin ako.”
IS BEING CALLED “TITO” OFFENSIVE?
Dati-rati, umiiwas ang mga kalalakihan na matawag bilang tito dahil nagpag-aalaman daw ang tunay na edad, bagay na maselan sa ilang artista sa showbiz.
Pero para kina Ian at Ogie, hindi ito dapat maging problema.
Sabi ng 45-year-old actor-singer, “We're on this age na people start calling me tito, the younger generation.
“You know, it's actually cool to be a tito. Ako, I have no problems with that kasi it tells what your experiences in life, you've paid your dues.”
Dagdag pa niya, “Kasama talaga ang age sa ano natin... Hindi kami yung tipong susubukan namin laging magpabata and pretend to be 21 or 25 our whole lives. No, that's not us.
“It's not mentally healthy, it's no fun. I mean, it's fun to mature, all parts of you, physically, your sense of humor, your sensibility.
“White hair beard, white moustache. I'm really not bothered. Parang Richard Gere, George Clooney.
“We just hope that we age gracefully that's all, not to fight age.”
Sumang-ayon dito ang 52-year-old singer-songwriter at sinabing, “Wala ka nang magagawa, e. Wala, you just live with it.”
Sa huli isang simpleng payo ang binigay nina Ian at Ogie sa mga lalaking malapit nang maging “tito.”
Ani Ogie, “Kung tito na kayo, tanggapin n'yo na, embrace n'yo na. The sooner you get comfortable, the better.”
Nakangiting sabi naman ni Ian, “Relax lang, it's okay. It's okay to age, it's okay to be a tito. It's no big deal.”
Mapapanood sina Ian at Ogie sa two-night concert nilang Kilabotitos sa New Frontier Theater sa March 20 at 21.