
Panalo sa ratings ang bagong programa ni Vicky Morales na 'Ilaban Natin 'Yan'. Nakakuha ito ng 6.3 na rating sa AGB Nielsen NUTAM ratings nitong Sabado, March 7, habang ang katapat nitong programa ay nakakuha ng 5.1.
Kontrobersyal ang istoryang itinampok nitong Sabado sa 'Ilaban Natin 'Yan' na pinamagatang 'Kalbaryo'. Tungkol ito sa awayan sa bahay at 'di umano'y kahalayang nangyayari sa loob nito. Inaakusahan ni Reina si Noel, asawa ng pamangkin nitong si Sharmane, na naghuhubad sa harap ng nanay niyang 71-years-old at bedridden na.
Depensa naman ni Noel noong pinagharap na sila ng Ate ng Bayan na si Vicky, hindi raw niya sinasadyang maglakad nang nakahubad sa harap ng nanay ni Reina. Katatapos lang daw niyang maligo noon at wala si Sharmane para iabot sa kanya ang kanyang tuwalya.
Kahanga-hanga rin ang pagganap nina Ahron Villena, Tina Paner, Erlinda Villalobos, at Sanya Lopez sa re-enactment ng istorya nina Reina, Noel at Sharmane.
Abangan ang iba pang mas matitinding istorya na itatampok sa 'Ilaban Natin 'Yan' tuwing Sabado, alas-kwatro ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.