
Bilang donasyon sa "Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19," nag-abot ni Kapuso singer Anthony Rosaldo ng tulong pinansyal sa GMA Kapuso Foundation.
Nagkakahalagang P50,000 ang donasyon ni Anthony na mula sa talent free na natanggap niya sa kanyang partisipasyon sa Lazada For Good, isang fundraising concert series ng e-commerce company na Lazada.
Bukod sa kanya, ibinigay rin nina Julie Anne San Jose at Maricris Garcia ang kanilang mga talent fee mula sa parehong concert sa GMA Kapuso Foundation.
Kamakailan, kabilang din si Anthony sa mga artistang tumulong sa pagre-repack ng relief goods para sa GMA Kapuso Foundation.
Patuloy ang GMA Kapuso Foundation sa paglikom ng pondo para mga medical supplies na ihahandog sa mga COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang "Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19."
Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanap buhay dahil sa enhanced community quarantine.
Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.