
Inamin ng mga bida ng Prima Donnas na sina Jillian Ward, Althea Ablan, Sofia Pablo, at Elijah Alejo kung anu-ano ang nami-miss nila sa isa't isa ngayong hindi sila nagte-taping.
Kuwento ni Jillian, miss na niya kung paano sila kumakain at nagkukwentuhan sa likod ng kamera.
“Siguro 'yung pagla-lunch break, dinner break, 'yung breakfast, kasi doon talaga chikahan kami,” saad ni Jillian.
“Nami-miss ko lang talaga 'yung bonding namin ng production, ng mga artista.”
Para naman kay Althea, nami-miss niya na umarte sa harap ng kamera.
Pag-amin ni Althea, “Nakakamiss din mag-acting. Minsan nga dito na ako nag-a-acting sa bahay e.”
“Miss ko na rin si Donna Belle. Miss ko na rin awayin si Brianna at pahiyahin siya.”
Ang kulitan at bonding naman ang hinahanap hanap ngayon ni Sofia Pablo dahil hindi niya nakikita ang kanyang mga kasamahan sa trabaho.
“Sa mga kasama ko, 'yung mga kulitan namin on set,” kuwento ni Sofia.
“At siyempre 'yung bonding namin na sabay-sabay kaming kumakain, pinagtitripan namin 'yung isa't isa, nagkukulitan kami, nagkikilitian.”
Pinaliwanag naman ni Elijah na kahit naglolokohan sila sa set, may disiplina pa rin sila pagdating sa trabaho.
Aniya, “Sa set naman po 'pag naglolokohan naman po kami, may disiplina naman po kami. Kapag sinabi nila direk na, 'O, seryoso na, mamaya na 'yung joke time, 'yung lokohan.'”
Aminado rin sina Jillian, Althea, at Sofia na nami-miss na nila ang kani-kanilang karakter na sina Donna Marie, Donna Belle, at Donna Lyn.
Panoorin ang buo nilang panayam sa Kapuso Showbiz News interview na ito:
Pansamantalang hindi napapanood ang Prima Donnas dahil itinigil ng GMA Network ang produksyon nito dahil sa banta ng COVID-19.
Mapapanood ang Onanay na pinagbibidahan nina Mikee Quintos, Kate Valdez, Jo Berry, Cherie Gil, at Ms. Nora Aunor, sa timeslot ng Prima Donnas sa GMA Afternoon Prime.
Samantala, mapapanood pa rin ang full catch-up episodes ng Prima Donnas sa GMANetwork.com o kaya sa GMA Network App.