
Nagpasalamat si Centerstage host Betong Sumaya sa kaibigan at kapwa aktor na si Paolo Contis para sa “ayuda” nitong pagkain na personal na iniabot ng huli sa kanya.
Tinawag din niyang “Mayor” si Paolo at “First Lady” naman ang partner nitong si LJ Reyes para sa regular nilang pagbibigay ng pagkain sa kanya.
Ibinahagi ito ng komedyante sa ipinost niyang video ng encounter nila ni Paolo sa Instagram.
“'Mayor Paolo Contis' at First Lady LJ Reyes' maraming salamat ulit sa 'ayuda.' God bless you always,” aniya.
'Ayuda' ni 'Mayor' Paolo Contis kay Betong Sumaya
Samantala, sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com kay Betong, sinabi niyang sa panahon ng kagipitan at krisis tulad ngayon ay mas makilala ng tao ang mga tunay na nagpapahalaga sa kanila.
“Sa panahon ng kagipitan doon mo makikilala ang mga tunay mong kaibigan.
“Ako, I'm so thankful na hindi man lang ako humingi ng tulong sa mga kaibigan ko, mga kapwa ko artista, nagbigay sila ng tulong sa akin.
“Pinadalhan nila ako ng pagkain kahit hindi ako humihingi. So I'm so thankful sa mga masasabi kong mga angel ko,” aniya.
Bukod kay Paolo, hindi rin siya nakalimutang padalhan ng pagkain ng iba pang kaibigan sa industriya gaya nina Boy 2 Quizon, Divine, Kakai Bautista, Aubrey Carampel, Susan Enriquez, at Boobay.
“Unexpected. Sina Paolo Contis, Boy 2 Quizon, Divine, Kakai Bautista, Aubrey Carampel, Susan Enriquez, Boobay.
“Nakatulong sila sa akin, sobrang laking tulong dahil sa mga pinadadala nilang pagkain e, talagang parang nadugtungan 'yung panahon na iniisip ko ano'ng uulamin ko. Sobrang thankful ko talaga sa kanila,” dagdag pa niya.
Ibinahagi ng komedyante na mag-isa lamang siya sa tinutuluyang bahay sa Metro Manila habang naka-quarantine at hindi siya marunong magluto, kaya ganoon na lamang ang pagtulong sa kanya ng kanyang mga kaibigan.
Betong Sumaya, napaluha nang amining mahirap mawalay sa pamilya ngayong may ECQ
Betong Sumaya at Ate Gay, patuloy ang pagpapatawa kahit naka-quarantine