
Wala raw mairereklamo si Kapuso actress Rhian Ramos sa buhay niya ngayon habang nananatili sa bahay sa ilalim ng enhanced community quarantine.
Nakakuwentuhan ng ilang piling miyembro ng media, kabilang na ang GMANetwork.com, si Rhian sa pamamagitan ng teleconferencing app na Zoom.
Dito, ibinahagi niya na nananatili siya sa Taguig kasama ang kanyang nobyo.
"I think it would be improper kung may irereklamo pa ako kasi I have a roof over my head. Nakakakain naman ako nang maayos. Kumpleto ang tulog ko. Aware ako na isa ko sa mga pinaka swerte na kumportable ang quarantine experience," pahayag ni Rhian.
Dahil dalawang buwan na ang quarantine, malaking pagbabago daw ito sa kanya dahil sanay siyang marami ang nakakahalubilo.
"Minsan nga gusto ko 'pag pupunta 'kong supermarket hindi ko na dinadala 'yung kotse. Nilalakad ko na lang tapos binabagalan ko 'yung lakad ko para lang maaarawan. Sobrang miss ko lang lumabas. Saka siyempre malaki siyang change sa usual life ko which is showbiz. You see hundreds of people everyday sa taping. Hundreds 'yung nakakausap mo everyday. Marami kang nakikilalang bagong tao araw araw. Very different lang pero nakapag-adjust na rin. Two months na eh," aniya.
Aminado siyang may mga ilang bagay lang daw siyang nami-miss gawin.
"Nami-miss kong makita 'yung sister ko, 'yung mommy ko dahil hindi ko sila kasama ngayon. May mga certain food na nami-miss ako galing sa mga ibang restaurants. At saka 'yung mga workout classes! Gusto ko kasi 'yun before eh. 'Yung 'pag nag-workout ka may malaking group para competitive kayo. Ngayon sinusubukan kong mag-workout sa bahay pero minsan sa totoo lang nakaktamad eh," kuwento niya.
Kasalukuyang napapanood si Rhian sa Stairway to Heaven, kung saan katambal niya sa Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.
Tunghayan ito Lunes hanggang Biyernes, 3:25 pm sa GMA Afternoon Prime.