
“Noong binigyan po ako ng break ng GMA na bumida sa isang teleserye na gumanap bilang si Danaya sa 'Encantadia,'” 'yan ang sambit ni Kapuso actress Sanya Lopez nang tanungin siya tungkol sa proudest Kapuso moment niya sa GMA Network.
Sa walong taon niya sa network ito raw ang tumatak sa kanyang isipan dahil marami ang nagduda sa kanyang kakayahan bilang isang baguhang artista noong 2016.
Aniya, “Hindi ko po talaga makakalimutan 'yung panahon na iyon kasi ilan po kami sa mga pinagpilian at lahat sila kapwa magagaling.
“Kinabahan po ako at marami rin po akong hirap at pagsubok na pinagdaanan bago ko po nakuha 'yung role. Marami rin po 'yung nagduda kung kakayanin ko 'yung role ni Danaya bilang isang baguhan sa industriya na ito.”
Kuwento pa ng aktres, halos hindi siya makatulog sa kakaisip tungkol sa role kaya kakaiba ang pakiramdam nang matanggap niya ito.
Dagdag pa niya, “Napakasaya ko po talaga nung araw na 'yon pero hindi ako nagpakampante.
“Nagre-rehearse na kami, nagte-taping, hanggang sa nakita ko na 'yung sarili ko sa TV bilang si Danaya, at doon ko lang nasabi sa sarili ko na, ako na po si Danaya -- isa po sa mga kinaka-proud moment ko po iyon.”
Panoorin ang mensahe ni Sanya Lopez para sa GMA Network sa pagdiwang ng ika-70 anibersaryo nito:
Mapapanood si Sanya Lopez ngayon sa rerun episodes ng Encantadia mula Lunes hanggang Biyernes sa GMA Telebabad, pagkatapos ng 24 Oras.
Eugene Domingo, malaki ang pasasalamat sa suportang ibinigay ng GMA
Katrina Halili on being a Kapuso: “Buong-buo po ang pagtitiwala nila sa akin”