
Kasalukyang nasa Hong Kong si Kapuso actor Migo Adecer dahil lumipad siya papunta sa bansa noong March bago pa man ipatupad ang enhanced community quarantine sa Metro Manila.
Mula sa mga Instagram post ni Migo, nakakalabas at normal ang buhay niya sa Hong Kong, taliwas sa mahigit tatlong buwan na quarantine dito sa Pilipinas. Kasama rin niya roon ang non-showbiz girlfriend niyang si Katrina Mercado.
Sa eksklusibong panayam ng 24 Oras, ibinahagi ni Migo ang mga karanasan niya roon at mga naobserahan niyang pag-iingat ng mga lokal laban sa COVID-19.
“I've been gaming, tapos marami akong oras para puntahan ang beach, movies, and since nandito ako sa Hong Kong, hindi ako artista kasi hindi ako kilala rito. A taste of normal life again, new normal,” aniya.
Dagdag pa ng aktor, kaunti lamang ang kaso ng COVID-19 sa bansa ngunit kamakailan ay inanunsiyo ng Hong Kong government na maghihigpit ito ng protocols.
“'Yung sa Hong Kong, may experience na sila sa SARS. Alam nila na kailangan talaga mag-mask kayo, mag-disinfect kayo. Parang informed na silang lahat kung paano mag-work 'yung new normal nila,” aniya.
Samantala, bilang bahagi ng mini-series ng Anak ni Waray vs Anak ni Biday ay muling nagbalik-trabaho si Migo kahit online lang. Sa naturang bansa rin daw siya nag-vlog para rito.
“It felt good to work again. It was nice to see the great feedbacks sa audience namin,” dagdag pa niya.
Samantala, naghahanda na raw umano si Migo para bumalik ng Pilipinas dahil malapit na rin silang mag-taping.
Pag-uwi ng bansa ay required si Migo na sumailalim sa 14-day quarantine at COVID-19 test bago sumabak sa trabaho.