
Buong-tapang na hinaharap ng award-winning comedian at creative director na si Michael V. ang sakit na COVID-19 matapos niya itong makumpirma kamakailan.
Matatandaan na nitong Lunes, July 20, ipinaalam ni Direk Bitoy sa pamamagitan ng kanyang vlog ang tunay niyang kundisyon at kasalukuyan siuang naka-isolate sa kanyang tahanan.
Ngayong Biyernes ng umaga, July 24, muling nagbigay ng update ang Bubble Gang star tungkol sa kanyang lagay at dito niya sinabi na nagpa-ospital siya para malaman kung mayrun siyang pneumonia.
Saad niya, “Sa mga concerned, nagpa-X-ray ako kahapon para masiguro kung meron akong pneumonia. Medyo mabilis kasi akong mapagod.
“May nakita silang pwedeng “pagmulan” ng pneumonia pero hindi naman daw kailangang magpa-ospital.”
Binigyan siya ng gamot at pinayuhan ng doktor na mag-isolate sa bahay habang patuloy na nagpapagaling.
“Niresetahan nila ako ng antibiotics at sinabihang sa bahay na lang ituloy ang pagpapagaling. Naka-self quarantine pa rin po ako para sa safety ng lahat ng nasa paligid ko.”
Taos-puso naman ang pasasalamat ni Michael V. sa lahat ng mga tao na nagdarasal para sa kanya at pati na rin sa kanyang pamilya.
“Gusto kong magpasalamat sa lahat nang patuloy na nagdarasal para sa kaligtasan namin ng pamilya ko. At gusto ko ring paalalahanan ang lahat na mag-ingat para wala kayong pagsisihan sa huli.”
At kahit may kinakaharap na problema, patuloy pa rin ang paalala ni Bitoy sa mga tao na mag-ingat at protektahan ang sarili sa pamamagitan ng pagsu-suot ng personal protective equipment (PPE).
“Maging responsable at gawin ang lahat ng makakaya para hindi kayo mahawa o makahawa.
“Laging maging malinis sa paligid at pangangatawan. At lagi ring magsuot ng mask at PPE. Stay home everyone and stay safe.”
Eksklusibong nakapanayam rin ang magaling na komedyante ng 24 Oras kamakailan lang, upang hingin ang opinyon niya sa lumabas na death hoax tungkol sa kanya.
Nagpasalamat ito sa flagship news program ng Kapuso Network para sa pagkakataon na pabulaanan ang fake news na ito.
Sabi niya sa panayam, “Maraming salamat dito sa interview na 'to, at least, makukumpirma na nila.
"Actually, ang nakakainis pa nu'n, mine-message ako directly, tinatanong ako. Hindi ko malaman kung sasagutin ko ng ghost emoji o ano, e,” lahad niya.
Michael V., positibo sa COVID-19
Michael V., biktima ng death hoax habang nagpapagaling mula sa COVID-19
Michael V., inilahad ang COVID-19 symptoms na kanyang naramdaman