
Isa na namang pagkilala ang maidaragdag ng award-winning actor na si Allen Dizon sa kanyang koleksiyon ng local at international na mga parangal.
Nasungkit kasi ni Allen ang award na Best Actor in a Single Performance sa 18th Gawad Tanglaw Awards.
Para ito sa pagganap niya bilang isang trangender woman sa Pride Month at Father's Day special ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanaman.
Sa two-part special episode na pinamagatang "Kailan Naging Ama ang Isang Babae: The Roxanne D'Salles Epic Story," binigyang buhay niya ang kuwento ni Roxanne D'Salles, isang former US Army na sumailalim sa gender reassignment surgery.
Ang Gawad Tanglaw o Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw ay taunang parangal na kumikilala sa magagandang gawa sa larangan ng telebisyon, radio, print at pelikula.
Ang award-giving body ay binubuo ng mga media critics mula sa akademya.