
Nanawagan si Ogie Alcasid sa social media na huwag paniwalaan ang fake news na kumakalat online tungkol sa diumano'y kanyang pagkamatay.
Base sa screenshot ng report na kanyang ipinost sa Instagram kagabi, July 18, natagpuan diumano siyang patay sa loob ng kanyang sasakyan.
Mapapansin sa larawan na ginamit at minanipula ang headline graphic layout ng dating GMA News TV daily midday newscast na Balitanghali para magmukhang makakatotohanan ang ulat.
"Pls do not believe this. It is #fakenews," pahayag ni Ogie.
"I did not want to show the name of the person who posted it but i just want to inform everyone that i am ok. Magmahalan naman po tayo," paglilinaw niya.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang asawa niyang si Regine Velasquez tungkol sa pekeng balita.
Ani Asia's Songbird, parte ng kanilang trabaho bilang celebrity na pag-usapan pero hindi sa ganitong paraan.
"Bakit naman kailangan gumawa ng ganitong balita. Alam namin at tangap na namin na parti na ng aming buhay ang pagusapan kami mahirap pero kasama talaga ito sa trabaho namin.
"May pamilya po kaming maaaring mag alala kung ito ay mabasa nila. Kaya pakiusap po wag naman," hinaing ni Regine.
Ibinahagi rin ng 50-year-old singer na "safe and healthy" si Ogie habang nasa kanilang bahay.
Kamakailan lang ay nabiktima rin si Michael V. ng death hoax, habang nagpapagaling mula sa sakit na COVID-19.
Bukod kina Ogie at Btoy, nabiktima rin death hoax ang ilang mga bigating artista gaya nina Aiai Delas Alas, Kris Aquino, Ian Veneracion, Ryan Cayabyab, Jose Manalo, Vice Ganda, at Sharon Cuneta.