
Tatlong taon na ang nakakalipas nang gawin ni Lovi Poe ang drama series na Someone To Watch Over Me pero hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang nakakatanggap ng mga magagandang mensahe tungkol sa kanyang pagganap dito--hindi lang mula sa mga Pinoy, kung 'di na rin sa kanyang non-Pinoy fans.
Naipalabas kasi ang Someone To Watch Over Me sa Uruguay, Peru, at Ecuador sa pakikipagtulungan ng GMA Worldwide sa Latin Media Corporation. "No Me Olvides" (Do Not Forget Me) ang pamagat ng Kapuso series nang ipalabas ito sa South America.
Kaugnay nito, natunghayan din ng African viewers ang kuwento ng Someone To Watch Over Me nang ipalabas ito sa Kenya.
Sa virtual media conference ng GMA Pinoy TV noong Martes, August 25, masayang ibinahagi ni Lovi na maraming nakaka-appreciate ng kanyang proyekto mula sa iba't ibang panig ng mundo.
"I've been getting messages about Someone To Watch Over Me since it was aired abroad pero hindi sila Filipino. They sent me direct messages saying how much they love the show, and also from Africa," pahayag ng 31-year-old actress.
Kaugnay nito, napanood din sa GMA international channel na GMA Life TV ang Someone To Watch Over Me noong 2018-2019.
"It's nice na we reached people who are not just Filipinos now because of GMA Pinoy TV. So it's nice na we get to share the kind of shows and stories that we have here and they finally somehow know or get to meet us when they see us sa iba't ibang platforms sa GMA Pinoy TV," aniya.
Ginampanan ni Lovi sa Someone To Watch Over Me ang female lead role ni Joanna Marie-Chavez, isang misis na nagsakripisyo nang ma-diagnose ng early onset Alzheimer's disease ang kanyang asawang si TJ, na binigyang-buhay ni Tom Rodriguez.
Tampok din sa drama series sina Max Collins, Jackie Lou Blanco, Boy 2 Quizon, Ronnie Lazaro, Isay Alvarez, Ralph Noeriega, Edu Manzano, at iba pa.
Samantala, nakatakda ring ipalabas sa GMA Life TV sa Setyembre ang English-dubbed version ng 2012 series na Legacy, kung saan bumida si Lovi kasama sina Heart Evangelista at Alessandra De Rossi.