
Aminado ang aktres na si Adrianna So na mahirap ang kanilang pinagdaanan sa mga unang episode ng online boys love series na Gameboys kung saan kasama niya sina Kokoy de Santos at Elijah Canlas.
Ginagampanan ni Adrianna si Pearl, ang ex-girlfriend na naging kaibigan ng karakter ni Kokoy na si Gavreel. Si Elijah naman ang bagong love interest ni Gavreel na si Cairo.
“Definitely, a lot of challenges,” sagot ni Adrianna nang tanungin ng GMANetwork.com kung gaano kahirap mag-shoot sa kani-kanilang bahay.
Sa unang siyam na episodes ng Gameboys, nasa kani-kanilang mga bahay lang sina Adrianna, Kokoy, at Elijah dahil sa community quarantine restrictions.
“Like, for example, 'yung mga set-ups namin, pinoprovide ng production designer namin, it will be send via Lalamove lang and then kami 'yung magpi-pick-up,” dagdag ni Adrianna.
“Me, I live in a kind of like an apartment, so I usually get all the stuff downstairs, sa lobby, then iaakyat ko siya rito sa third floor or doon sa kabila, sa second floor. 'Yun 'yung isang challenge.”
Dahil wala silang kasamang staff sa bahay, nagbabalik-balikan sila ng mga litrato sa pamamagitan ng ibang social media sites upang maayos ang lighting, at production design.
“Wala kaming masyadong kasama magaling sa technical like mag-iilaw, ganyan,” kuwento ni Adrianna.
“So nagte-take time 'yun in a form na nagse-send muna kami ng sample and then babalik sa amin na, 'A, move this to your right,' something like that.
Kinuwento rin ni Adrianna na naging problema nila ang internet connection dahil online lang sila nag-uusap.
“At the same time, every time na nagsu-shoot kami via Zoom, internet is always a problem, especially sa akin,” pag-amin ni Adrianna.
“Medyo nade-delay sa shoot, and then 'yung pag transfer ng materials, 'yung pag dump ng content, of course, may delay kasi nagde-depend siya sa connectivity.”
Nagkaroon din ng time constraint ang show dahil sa kagustuhan nilang magmukhang nangyayari sa totoong buhay ang istorya ng Gameboys.
Pagtatapos ni Adrianna, “For example for airing 'yung episode, minsan, mahirap kasi ma-meet 'yung deadline.”
“Of course, we want an episode that is perfect and also relevant, so may mga tweaks right there and then, mga last minute.”
Dapat namang abangan ang spinoff ng Gameboys na pagbibidahan ni Adrianna, ang Pearl Next Door.
Makakasama ni Adrianna dito sina Rachel Coates, Iana Bernardez, Cedrick Juan, at Phillip Hernandez, na mas kilala bilang Davao Conyo.
Magkakaroon ng spin-off ang boys love web series na 'Gameboys' na pinagbibidahan ni Adrianna So na may titulong 'Pearl Next Door.' / Source: adriannaso_ (IG)