
Ipinakilala na ng aktres na si Alice Dixson ang karakter na gagampanan niya sa upcoming GMA Telebabad cultural drama series na Legal Wives.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Alice ang isang litrato kung saan makikita siyang nakasuot ng puting hijab.
Ang hijab ay isang uri ng belo na isunusuot ng mga kababaihang Muslim kapag makikihalubilo sila ng mga kalalakihan sa labas ng kanilang pamilya.
"Caption this! Best one gets a special video greeting from #AlmirahMacadato my new character for #LegalWives @gmanetwork prime time TV," sulat niya sa caption ng post.
Ibinahagi din ni Alice na sumailalim siya sa look test bilang paghahanda para sa karakter at sa serye.
"Starting the week with a look test with Pops & Che this morning... script in the background," aniya.
Bukod dito, humingi rin siya ng tips sa tamang pagsusuot ng hijab para masigurong wasto ang paggamit niya nito.
"If you can give me tips on hijabs etc, I'd love to learn them. Thank you," pagtatapos ni Alice.
Ang Legal Wives ay kuwento ng kakaibang pamilya kung saan ang isang lalaking Maranaw ay may tatlong asawa na pinakasalan niya dahil sa magkakaibang rason.
Ang karakter ni Alice na si Amirah ang unang asawa ni Ishmael--na gagampanan ni Kapuso Drama King Dennis Trillo--na pinakasalan niya bilang bahagi ng tungkulin niya sa pamilya.
Bukod kina Alice at Dennis, kasama rin a Legal Wives sina Andrea Torres, Bianca Umali, Cherie Gil, Al Tantay at marami pang iba.