
Isa si Comedy Queen Aiai Delas Alas sa mga personalidad na naghatid ng tulong sa mga residenteng nasalanta ng Bagyong Ulysses sa lungsod ng Marikina.
Source: msaiaidelasalas (IG)
“Medyo marami kasi 'yung goods. Kailangan pumunta ako du'n para makilala ko 'yung mga taong kukuha nu'ng goods,” lahad ni Aiai nang makapanayam ng 24 Oras.
Nagpasalamat din si Aiai sa lahat ng mga nagpaabot ng tulong. Aniya, nasaksihan niya ang pagbabayanihan ng publiko para makatulong sa mga nangangailangan.
“Traffic talaga du'n kasi ang dami ring nagbibigay. And thank you din du'n sa mga kababayan natin na nagbibigay din sa Marikina. Ang dami rin, may mga motorsiklo, ang daming mga dalang damit.
“In fairness naman talaga sa mga Pilipino, e, talagang matulungin,” aniya.
Samantala, personal din na nagtungo ang aktor at reservist na si Rocco Nacino sa Rodriguez, Rizal para maghatid ng relief goods at kumustahin ang mga residenteng labis na naapektuhan ng malawakang pagbaha dahil sa bagyo.
“Pati ako napapatahimik na lang kasi naramdaman ko 'yung aura na kahit hindi nila sabihin, kita mo sa mukha nila na sinasabi nila na wala na lahat, nawala lahat.
"Natamaan 'yung puso lalo na sa mga matatanda,” lahad ng aktor.
Nakiisa sina Rocco at Melissa sa relief operation ng S.T.A.R.S. ng Philippine Navy at Philippine Marines Corps.
“Nag-assist kami kasi dahil nasa industriya kami, kami ni Melissa 'yung magbibigay saya sa mga tao.
"Nakilala nila ako, mangamusta kami, kakausapin ko 'yung mga tao, sasabihin ko sa kanila na konting tiis lang, konting tiyaga, maibabalik din natin sa normal. Mabigyan sila ng kahit kaunting pag-asa,” dagdag pa ni Rocco.
Panoorin ang buong 24 Oras report: