
Nagwagi ang 'Serbisyo at Puso at Ligtas-Padyak Project' ng Unang Hirit sa 18th Philippine Quill Awards, inanunsiyo ito ng award-giving body nitong Biyernes, February 19.
Source: Unang Hirit Facebook page
Nagwagi ang 'Serbisyo at Puso at Ligtas-Padyak Project' ng morning talk show sa ilalim ng kategoryang Corporate Social Responsibility, na naglalayong bigyang-pugay ang mga inisyatibong hindi lamang nabigay-kaalaman sa manonood, kundi naghatid din ng tulong sa mga nangangailangan.
Ang 18th Philippine Quill Awards ay inorganisa ng International Association of Business Communicators (IABC) na layuning kilalanin at parangalan ang mga natatanging proyektong hindi lamang mahusay na naglahad ng tunay na kalagayan ng sambayanan kundi naghatid din ng mga benepisyong para sa ikabubuti ng nakararami.
Sa Serbisyo at Puso (SAP) project ng Unang Hirit ilang komunidad at libu-libong residente ang nahatiran ng tulong at ayuda sa gitna ng pandemya. Nagpakita rin ng suporta ng naturang proyekto sa COVID-19 frontliners, kabilang ang mga healthcare workers.
Samantala, isa sa mga proyekto ng Ligtas-Padyak Project ay ang paghahatid ng tulong sa daan-daang siklista sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng mga bisikleta, at bike safety gear.
Matatandaang dahil sa ilang buwang community quarantine bunsod sa pandemya, maraming manggagawa ang piniling mag-bike-to-work dahil sa limitadong transportasyon. Tumaas din ang demand sa bisikleta nang mga panahong ito. Ito ang naging pundasyon ng Ligtas-Padyak Project ng Unang Hirit.
Bukod dito, wagi rin sa kumpetisyon ang Kapuso Barangayan on Wheels campaign ng GMA Regional TV na naghatid ng libu-libong food packs at iba pang essential items sa mga residenteng labis na naapektuhan ng pandemya at ng mga nagdaang bagyo.
Isa rin sa mga kinilala ang GMA Network Excellence Award, ang programa kung saan binibigyang-pugay ang natatanging graduating students sa larangan ng Komunikasyon at Teknolohiya na nagpamalas ng leadership, magandang academic performance, at social responsibility.
Congratulations, Kapuso!