
Mula sa daan-daang nag-audition para sa role ni Big Bert sa upcoming live-action television series na Voltes V: Legacy, si Kapuso actor Matt Lozano ang napiling gumanap dito.
Dahil isa rin pala siyang avid fan ng Voltes V, masayang-masaya umano si Matt na mapabilang sa cast ng highly-anticipated series.
Source: mattlozanomusic (Instagram)
“Sobrang hindi po ako makapaniwala kasi nasanay po ako na secret lang 'yung pagganap ko bilang Big Bert.
"Nabigla ako na agad-agad ito na pala cast reveal na and sobrang happy ako kasi sobrang tagal ko nang gusto 'to at pinaghahandaan.
“Sobrang happy din ako kasi sobrang comfortable ng ibang cast. Kumportable kami sa isa't isa so sobrang happy,” aniya nang makapanayam nina Unang Hirit hosts Suzi Entrata-Abrera at Lyn Ching.
Kwento pa ni Matt, bilang paghahanda ay muli niyang pinanood ang buong Voltes V series.
Dagdag pa niya, bata pa lamang ay fan na siya nito.
“Dalawang beses ko po pinanood kasi fan po ako actually. Nung bata po ako nanonood po ako palagi sa GMA ng Voltes V,” aniya.
Kabilang din sa preparasyon ni Matt para mahusay na magampanan si Big Bert ay ang pagsasanay sa arnis.
Makikita ito sa social media posts ng aktor pati na rin sa ilang vlogs niya sa kanyang YouTube channel.
“Gusto ko po pagdating ng taping namin handa ako so I see to it na everyday nagse-self train ako. Meron din po akong coach ng arnis. Siya po 'yung nagtuturo sa 'kin ng long stick,” aniya.
Source: mattlozanomusic (Instagram)
Samantala, bukod sa pagiging magaling na aktor, isa ring mahusay na guitarist at singer si Matt at may mga nagawa na rin siyang sariling compositions.
“Sobrang hilig ako sa gitara. Originally, ang gusto ko talaga maging guitar player pero nung nag-start akong magsulat ng mga kanta, wala akong mahanap na vocalist so ang ginawa ko parang bakit hindi ko na lang kantahin 'yung mga ginagawa kong kanta,” sabi pa niya.
Panoorin ang kabuuan ng panayam ni Matt sa Unang Hirit:
Samantala, mas kilalanin pa si Kapuso actor Matt Lozano sa gallery na ito: