
Isang kuwento ng isang misteryosong pagbubuntis ang tampok sa “Aswang” episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, March 27.
Isang birhen na babae raw ang umano'y nabuntis kahit hindi sila nagsisiping ng kanyang nobyo. At ang itinuturong dahilan ng kanyang mahiwagang pagbubuntis ay aswang.
Si Katrina Halili bilang si Karen, ang babaeng birhen na biglang nabuntis / Source: Wish Ko Lang
Sa “Aswang” episode, ang 'Prima Donnas' star na si Katrina Halili ang gaganap bilang si Karen, ang babaeng birhen na biglang nabuntis.
Samantala, ang Kapuso actor naman na si Rodjun Cruz ang gaganap bilang kanyang nobyo na si Alex.
Matagal nang plano ng magkasintahang Alex at Karen ang magpakasal. Ngunit susubukin ng kontrobersya ang kanilang relasyon nang bigla na lamang magdalang-tao si Karen kahit wala namang nangyayari sa kanila ni Alex.
Si Rodjun Cruz bilang si Alex / Source: Wish Ko Lang
Ang hinala ni Karen, ang gumagalang aswang sa kanilang lugar ang nakabuntis sa kanya.
Minsan kasi nararamdaman niyang tila may sumusunod sa kanya habang naglalakad siya sa dilim.
Sinabi rin niya sa kanyang ina (Melissa Mendez) na may lalaking gustong pumasok sa kanyang kuwarto, ngunit hindi niya nakita ang mukha nito.
Tila tugma naman ang pakiramdam ni Karen sa nagaganap sa kanilang lugar dahil may nakitang bangkay kamakailan at walang suspek o testigo sa naging krimen.
Hinala ng marami ay isang uri ng hayop o aswang ang may kagagawan nito.
Si Melissa Mendez bilang ina ng babeng birhen na nabuntis / Source: Wish Ko Lang
Nang makita ni Karen, kanyang ina, at nobyong si Alex ang bangkay, may nagpakilala sa kanyang photographer na nagngangalang Kenneth (Jay Arcilla).
Sa pagkakataon na 'yon, si Kenneth ang naatasang kumuha ng larawan ng bangkay, ngunit kumukuha rin pala siya ng larawan ng mga modelo.
Sa katunayan, inalok niyang maging modelo si Karen. Ani ni Kenneth kay Karen, “Pag-isipan mong mabuti. Malayo ang mararating mo sa ganda mo.”
Si Jay Arcilla bilang photographer na si Kenneth / Source: Wish Ko Lang
At bukod pa kay Kenneth, may isa pang tila magiging banta sa pagsasama nina Alex at Karen.
Ang karakter kasi ng 'Bubble Gang' actress na si Faye Lorenzo, may pagtingin pala kay Alex at susubukan niya itong akitin.
Ang eksena ng pang-aakit ni Faye Lorenzo sa “Aswang” episode / Source: Wish Ko Lang
Aswang nga kaya ang nakabuntis kay Karen o may namagitan ba sa kanila ng photographer na si Kenneth?
At bibigay kaya si Alex sa pang-aakit sa kanya o mananatili siyang tapat sa nobyang si Karen?
Alamin ang kasagutan sa mga tanong na 'yan at abangan kung paano bibigyan ng bagong simula ng Fairy Godmother ng Bayan na si Vicky Morales ang masalimuot na kuwento na ito sa bagong Wish Ko Lang, ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
Balikan ang mga eksena sa “Pinutulan” episode ng bagong 'Wish Ko Lang,' kung saan gumanap si Faye Lorenzo bilang isa sa mga bridesmaids na nakipaglandian sa asawa ng kanyang kaibigan sa gallery sa ibaba.