
Lumikha ng ingay ang pagbabalik ni John Lloyd Cruz sa limelight matapos ng halos limang taon. Nito lamang Mayo, marami ang nagulat nang pumirma siya sa talent agency ni Maja Salvador, ang Crown Artist Management.
Ayon sa Instagram post ng nasabing talent agency, “We are happy to share with you the CAMback of the one and only John Lloyd Cruz, now under Crown Artist Management.”
Matatandaang nag lie-low sa showbiz ang actor noong 2017, kasabay ng mga usap-usapan tungkol sa relasyon nila noon ni Ellen Adarna.
Sa kanyang pagbabalik, sa ibang TV network na rin ba mapapanood ang dramatic actor?
Ilang araw pa lang ang nakakalipas mula noong mapabalitang nagkausap si John Lloyd Cruz at si Kapuso host Willie Revillame sa Puerto Galera.
Sa Wowowin episode noong May 19, ikinuwento ni Willie “Gusto ko lang batiin 'yung kaibigan nating si John Lloyd. Kagabi kasama ko siya, nasa Puerto Galera kami. Nagkuwentuhan kami sa buhay. Tinanong ko siya, 'Bakit ka ba huminto?' Maganda 'yung mga rason niya eh.
“'Burnout ka na. Ito na lang po ginagawa ko araw-araw. 'Pag gising ko, shooting. 'Pag tulog ko, 'pag gising ko, shooting.' 'Yun bang binigyan niya ng halaga 'yung sarili niya. Dapat ganyan din tayo eh.”
Dahil sa heart-to-heart talk nilang dalawa ay mas naunawaan raw ni Willie ang naging desisyon ng aktor. Kasama rin kaya sa kanilang naging usapan ang paglipat ni John Lloyd ng TV network?
Nitong Sabado (May 29), may mga litrato kaming nakuha mula sa mapagkakatiwalaang source kung saan ipinapakita na magkasama muli ang dalawa.
Ano nga ba ang pinaplano ng dalawang bigating pangalan sa showbiz? Ano man ang maging desisyon ni John Lloyd Cruz, welcome siya sa Kapuso Network.
Para sa mga susunod pang kaganapan, manatiling nakatutok sa www.GMAnetwork.com.
Samantala, silipin ang mga larawan ng anak ni John Lloyd na si Elias sa gallery na ito: