
Alam n'yo ba na bago naging artista si Gina Pareño, nagtrabaho muna ito bilang tricycle driver?
Sa latest episode ng 'Tunay na Buhay,' ikinuwento ni Gina na naranasan niyang magpasada ng tricycle bago maging artista.
"Oo, nagta-tricyle ako dati sa Makati. Nagpapasada ako ng tricycle," sagot ng 71-year-old veteran actress kay Pia Arcangel nang tanungin kung anong trabaho ang naranasan niya bago pasukin ang showbiz.
Bukod sa pagpapasada, nagtitinda rin si Gina ng pritong saging sa harap ng Sampaguita Pictures at nagtrabaho bilang extra.
"Extra-extra ako noon, sampung piso para may pangkain. Aba'y marami-rami na ring pagkain 'yun. Mga pandelimon," pahayag ng aktres.
Ang Sampaguita Pictures na ang naging tahanan nito nang manalo ng dance contest sa TV noong 1964. Isa siya sa pinakasikat na artista ng kumpanya, kasama si Susan Roces.
Noong 1969, binuhay niya ang isa sa pinakasikat na babaeng superhero ng bansa, si Darna.
Sa mahigit limang dekadang pag-arte sa harap ng kamera, napatunayan na ni Gina ang husay nito sa drama, comedy, mainstream man o indie.
Hindi na rin mabilang ang mga parangal na natanggap ng aktres at ang ilan dito ay ang Philippine Film Icon 2021 mula sa Eddy's at Best Actress sa Osian's CineFan 8th Festival of Asia para sa pelikula niyang 'Kubrador' noong 2006.
"Masaya ako at nahihiya ako, pero at least sa edad kong ito, 'di ba?" sabi ni Gina.
Bukod sa paggawa ng pelikula at drama, isa na ring rising star sa Tiktok si Gina kung saan mayroon na itong 1.7 million followers at 9 million likes.