
Trending ngayon online ang ginawang cover sa wikang Filipino ng American singing group na Torch Family Music ang hit song ng SB19 na "MAPA."
Sa “Chika Minute” report ni Nelson Canlas sa 24 Oras, sinabing ang pamilya ay isang Christian singing group na binubuo ng mag-asawang Craig at Stephanie Whiting, at ng anim nilang anak na sina Sunny, Hannah, Chloe, Belle, Zoe, at Rock.
Ayon sa Torch Family Music, ginawan nila ng cover ang kanta ng SB19 dahil ang tema ay akmang-akma sa kanilang pamilya na isang awitin para sa mga magulang. Gayundin, para maghatid ng good vibes at papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng musika.
Pinag-aralan ng pamilya ang wikang Filipino para malaman ang ibig sabihin ng kanta. Una nang ginawan ng cover ng TORCH Family Music ang debut song ng SB19 na "Go Up."
Ibinahagi rin ni Craig na dati na siyang nanirahan sa Visayas bilang isang missionary. Kasamang iniuwi ni Craig sa Amerika ang pagmamahal niya sa mga Filipino.
Nagpapasalamat din ang grupo sa magandang awitin na ito ng SB19 at ang patuloy na pagbibigay inspirasyon sa lahat.
Ang "MAPA" ay isinulat ni John Paolo "Pablo" Nase at kinanta ng sikat na P-pop boy group na SB19.
Panoorin ang buong report ni Nelson Canlas sa 24 Oras.
Samantala, kilalanin sa gallery na ito ang SB19: