
Masayang binalikan ni Migs Villasis ang mga pinagdaan bago maging isang Kapuso.
Sa press interview noong Lunes (October 24), ibinahagi ni Migs na ilang beses niyang sinubukan na makapasok sa GMA.
"Kasi ilang beses na rin akong nag-try na makapasok sa GMA, hindi ako pinapalad. Pero ngayon nandito na ako," pagbabahagi ng aktor.
Noong Setyembre, kabilang si Migs sa “Signed for Stardom,” ang biggest contract signing event ng GMA Artist Center kung saan nagsama-sama ang ilang bago at loyal na Kapuso artists.
"Nu'ng nasa stage ako no'n tinawag 'yung name ko, nagsasalita ako no'n sobrang nanginginig ako, hindi ko talaga ma-explain. Sobrang saya na kinakabahan,” kuwento niya.
"Kahit noong magsa-sign na ako sa papers sobrang saya. Thankful ako. Isa iyon sa pinakamagandang experience, tears of joy. 'Yung nakangiti ka pero babagsak na lang 'yung luha mo," pagbabalik-tanaw ni Migs nang mapabilang sa “Signed for Stardom.”
Ayon kay Migs, pinangarap na niyang maging isang PBA player bago maging isang aktor.
"Naging pangarap ko na [ang maging isang aktor] simula nang mawala ang basketball. Ang first dream ko talaga is maging PBA player. Kasi high school ako, naglaro ako sa NCAA para sa Letran, after po no'n sa college naglaro pa rin ako.”
Dagdag niya, "Pero roon ko na-realize na hindi para sa akin ang basketball. Kasi kapag ginagawa mo 'yung isang bagay pero nakikita mo na hindi s'ya angkop para sa 'yo, nagiging mahirap na s'ya para sa 'yo.”
"Sabi ko, 'kailangan ko nang maghanap ng ibang career, ng ibang direksyon.' Thankful naman talaga ako kay God na binigay n'ya itong showbiz sa akin. Pero hindi rin naman agad-agad kasi ang haba rin ng nilakbay ko bago makapunta rito sa GMA," sabi ni Migs.
Sa interview, ibinahagi ni Migs na ang kanyang pamilya ang naging inspirasyon niya para ipagpatuloy ang showbiz.
Samantala, mas kilalanin pa si Migs Villasis sa gallery na ito: