
Nasaksihan natin noong Sabado (November 6) ang masalimuot na kwento ng pamilya nina Ellen at Alex sa "Aksidente" episode ng bagong Wish Ko Lang. Binigyang buhay nina Maybelyn dela Cruz at Gabby Eigenmann and kuwentong ito.
Dahil sa nag-iisang anak niya si Alex (Gabby Eigenmann), nais ni Sharon (Irma Adlawan) na mabigyan ito ng maayos na mapapangasawa. Kaya naman nang malaman ni Sharon ang relasyon ng anak sa katulong nilang si Ellen (Maybelyn dela Cruz) agad niya itong tinutulan.
Kahit tutol ang ina sa pagmamahalan nila ni Ellen, itinuloy ni Alex ang desisyon na umalis sa kanilang bahay para sa pagsasama nila ni Ellen.
Makalipas ang ilang taon, nagkaroon ng anak sina Alex at Ellen, si Janjan (Bryce Eusebio). Isang mabait at masipag na anak si Janjan sa kanyang ama at ina.
Isang araw, hindi inaasahang masagasaan ng truck si Janjan at napuruhan ang kanyang ulo. Kwento pa ng ina nito, nakita niya mismo nang masagasaan ang anak at noong dadamputin na niya ito ay basag ang bungo ng 12-anyos na bata.
Dahil sa malaking bayarin sa ospital, naisipan ni Ellen na lumapit sa ina ni Alex. Noong una ay hindi sila tinulungan ni Sharon pero hindi nagtagal ay natanggap din nito ang mag-asawa at ang kanyang apo na si Janjan. Tumulong si Sharon sa gastusin sa ospital at ito rin ang dahilan para magkaayos silang pamilya.
Upang tuluyang makabangon sa sinapit ng anak, pinagkalooban ng bagong Wish Ko Lang at ng Fairy Godmother na si Vicky Morales sina Alex at Ellen ng online negosyo package na nagkakahalaga ng PhP 70,000.
Kasama sa negosyo package ang libreng Baking Training/Vocational Course, Mini Bakery Business, Trendy Beauty Products Business, Ready to Wear Clothing Business, Merienda Business, Frozen Meat Business, at Patis Business.
Sinagot na rin ng programa ang therapy at medical supplies ni Janjan para sa tuloy-tuloy niyang paggaling.
Bukod sa mga nabanggit, may regalo pang brand-new tablet, sofa bed at throw pillows, rice cooker, double burner stove, at kitchen wares. Mayroon ding regalong shopping spree, staycation package, at tulong pinansyal ang bagong Wish Ko Lang para sa buong pamilya.
Samantala, tuloy-tuloy ang pamimigay ng instant papremyo ng bagong Wish Ko Lang sa avid viewers at followers ng programa.
Noong Sabado, may isang maswerteng nakatanggap ng maagang pamasko na PhP 5,000 matapos manood, mag-selfie, at mag-comment sa official Facebook page ng bagong Wish Ko Lang.
Ito ay si Kadija Nulsani na mula sa Zamboanga City. Matagal nang dinarasal ni Kadija na mapili sa Wish Ko Lang dahil wala siyang trabaho at may dalawang maliliit na anak. Gayundin, walang permanenteng trabaho ang kanyang asawa.
Ayon kay Kadija, malaking tulong ang kanyang napanalunan para sa maintenance ng gamot sa kanyang sakit na asthma at panggastos nila sa araw-araw.
Abangan kung sino at paano mabibigyan ng magandang bagong simula ng programa ang susunod na tampok sa "Biyenan" episode ngayong Sabado, November 13, sa bagong Wish Ko Lang, alas-4 ng hapon sa GMA.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, visit www.gmapinoytv.com.