
Kasama sa pag-aasawa ang pakikisama nang maayos sa pamilya ng mapapangasawa mo, lalo na sa kanyang mga magulang. Pero paano kung sa simula pa lamang ay hindi ka na gusto ng iyong biyenan?
Makakaya mo bang pakisamahan ang iyong biyenan sa iisang bahay kung dumating na sa puntong sinasaktan ka na nito?
Ito ang masaklap na istoryang tampok sa "Biyenan" epsiode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, November 13.
Hindi pa man naikakasal, tutol na si Marites (Carmi Martin) kay Maila (Arra San Agustin) para sa kanyang anak na si Arjay (Paul Salas).
Sa kasal pa lamang ay pinagbantaan na ni Marites si Maila na gagantihan niya ito ng pitong beses kapag sinaktan ang anak na si Arjay.
Dahil sa nagsisimula pa lamang at wala pang sapat na ipon, matapos ang kasal ay napagdesisyunan ni Arjay na manirahan muna sa kanyang ina kasama si Maila sa pag-aasam na rin na magkakasundo ang ina at ang asawa.
Pero hindi naging maganda ang trato ni Marites kay Maila sa pagtira nito sa kanyang bahay. Dumating na rin sa puntong nasasaktan ni Marites si Maila dahil sa hindi nasusunod ang gusto nito.
Isang araw, nagising na lamang si Marites na nababalot ng pangangati ang buo niyang katawan.
Ipinakulam ba ni Maila ang sariling biyenan para lamang matigil na ang pagmamalupit nito sa kanya?
Makakasama rin nina Arra San Agustin, Paul Salas, at Carmi Martin sa "Biyenan" episode sina Herlene Budol, Migs Villasis, at Jen Rosendahl.
Huwag palalampasin ang "Biyenan" episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA. Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, bisitahin ang www.gmapinoytv.com.