
Malapit nang mapanood ang launching film ng tambalan nina Kapuso stars Ken Chan at Rita Daniela na Huling Ulan sa Tag-araw.
Isa kasi ito sa official entries sa Metro Manila Film Festival ngayong 2021.
Ikinagalak ni Ken na napili ang kanilang pelikula para maging bahagi ng taunang film festival.
"Mas pinasaya ang Pasko namin dahil ang pelikula namin na HULING ULAN SA TAG-ARAW ay nakapasok sa Metro Manila Film Festival 2021," sulat ni Ken sa kanyang Instagram account.
Hindi na raw siya makapaghintay para mapanood ng kanilang mga tagasunod ng pelikula.
"Hindi na kami makapaghintay na ibahagi sa inyo ang kwento ni Luis at Luisa ngayong Disyembre. This is directed by @direklouieignacio and produced by @hbeproduction," dagdag niya.
Pinasalamatan din niya ang MMFF at hinikayat ang kanyang followers na tangkilikin ang pelikulang Pilipino.
"Sa lahat po ng bumubuo ng @mmffofficial maraming-maraming salamat sa tiwala at pagkakataon na ito! Suportahan po natin ang Pelikulang Pilipino," pagtatapos niya.
Gaganap dito si Ken bilang Luis, isang binatang nakatakdang mag-pari. Mahuhulog ang loob niya kay Luisa, isang kind-hearted singer-entertainer.
Bahagi rin ng pelikula sina Richard Yap at Lotlot de Leon.
Si Louie Ignacio ang nagsilbing direktor ng pelikula habang isa naman sa producers si Harlene Bautista.
Sa Pagsanjan, Laguna kinunan ang mga eksena ng pelikula.