Showbiz News

'Carrot Man' Jeyrick Sigmaton, 'one-take actor' sa short film na 'Dayas'

By Nherz Almo

Katulad ng una siyang mag-viral online, hindi rin inaasahan ni Jeyrick "Carrot Man" Sigmaton ang pagkapanalo niya bilang Best Actor para sa short film na Dayas sa nakaraang International Film Festival Manhattan Autumn in New York.

"Actually, nagulat din ako noong una. Hindi ko inaasahan na magkakaroon ako ng ganung award, 'tapos international pa. Masaya naman ako at that time, nakalimutan ko na kung ano yung ginagawa ko noong binalita nila," sabi ng 27-year-old online celebrity sa ginanap na press conference ng Dayas kamakailan.

PInatotohanan ng Dayas director na si Jennylyn Delos Santos ang ipinakitang husay ng baguhang aktor sa kanilang short film.

Ani Direk Jennylyn, "Everybody knows him like a shy person. Pero ako, nakikita ko kung saan ko siya imo-motivate. Palagi kaming take one lang.

"Ang dami niyang kasama na nakapag-aral, magaling sa pag-arte, pero siya talaga... Kinuwento ko sa kanya yung kuwento [ng pelikula]. Then, he's just there in one place memorizing his lines. Kapag siya na, siyempre, sasabihin ko ganito yung gusto kong lumabas. Kapag nakuha niya ang kuwento, take one lang talaga. Kasi, kapag nakuha ko na ang gusto ko, hindi ko na inuulit kasi papangit na, e.

"So si Jeyrick, sa lahat ng takes namin, ang dami nun ha, baka isang beses lang ako nag-take two, nakulangan lang ako sa last part na. But the rest, take one lang talaga. He's really good."

Ang pelikulang Dayas ay hango sa istorya ng mga taga-Itogon, Benguet, na naging biktima ng Typhoon Ompong noong 2018.

Bagamat baguhan, hindi raw nahirapan si Jeyrick sa kanyang unang pagsabak sa pag-arte.

Ayon kay Jeyrick, nakatulong ang acting workshops na dinaluhan niya noon dito sa Maynila para magawa ang kanyang mga eksena sa Dayas.

Kung mayroon mang naging challenging sa kanya, ito raw ang emotional scene niya sa short film.

"Masakit sa dibdib pala kapag totoo yung scene, 'tapos ayaw pang mag-cut ng direktor," natatawang pagbabahagi ni Jeyrick.

Dagdag pa niya, "Kasi, sa tuwing iiyak ka, doon mo nailalabas yung sakit sa iyong damdamin. Nag-practice ako nang mabuting-mabuti sa pag-iyak."

Bukod sa kanyang international award, nakatanggap din si Jeyrick ng pagkilala mula sa Dangal ng Lahi, na ginanap noong Sabado, November 27.

Jeyrick Sigmaton with 'Dayas' director Jennylyn Delos Santos

Ngayon napatunayan na ni Jeyrick ang kanyang kakayahan sa pag-arte, bukas daw siya sa anumang oportunidad para maipakita pa ito.

Nang tanungin kung sinu-sino ang gusto niyang makatrabaho, agad na sinagot ng binata mula sa Barlig, Mountain Province, sina Ivana Alawi at Barbie Forteza.

"Shout out to Ms. Ivana, sana makapag-collab tayo minsan, kahit minsan lang," sabi ni Jeyrick nang hingan ng mensahe para sa kilalang celebrity vlogger.

Para naman sa Kapuso actress, naalala ni Jeyrick ang kwentuhan nila nang minsang bumisita sa GMA Network.

Katulad niya, award-winning din bilang aktres si Barbie. Handa na kaya siyang makipagsabayan sa dalagang aktres?

"Kaya 'yan," nakangiting sagot ni Jeyrick.

Samantala, kilalanin pa ang online sensation-turned-actor sa gallery na ito: