
In the works na ang inaabangang serye na Sang'gre na spin-off ng popular na Kapuso telefantasya na Encantadia.
Sa Instagram post ng Encantadia director na si Mark Reyes noong January 25, ibinunyag niya ang mga bumubuo ng creative team ng upcoming fantasy series sa pamamagitan ng pag-share ng screenshot ng kanilang meeting via video conference.
Kabilang diyan ang legendary screenwriter at bagong creative consultant ng GMA na si Ricky Lee, at ang Encantadia creator na si Suzette Doctolero.
Makikita rin sa screenshot ang iba pang importanteng tao sa likod ng Sang'gre na sina senior program manager Ali Marie Nokom-Dedicatoria, creative head RJ Nuevas, at writers Anna Aleta Nadela, Jake Somera, at Ays de Guzman.
Sulat ni Direk Mark sa caption, "And the portal to the world of #encantadia is open once again. Meet the creative team of #Sanggre."
Unang inanunsyo ang Sang'gre sa isang omnibus plug ng mga aabangang programa sa GMA na ipinalabas sa New Year TV special na pinamagatang Kapuso Countdown 2022 noong December 31, 2021.
Iikot ang kwento ng Sang'gre sa isang babaeng mayroong magical powers na madidiskubreng anak ng reyna ng Lireo at tagapangalaga ng brilyante ng lupa na si Danaya.