TV

Maricel Laxa, Zoren Legaspi, Mikee Quintos, at Lianne Valentin, bibida sa GMA Afternoon Prime na 'Apoy sa Langit'

By Maine Aquino

Bibida sina Maricel Laxa, Zoren Legaspi, ikee Quintos, at Lianne Valentin sa kaabang-abang na seryeng handog ng GMA Afternoon Prime na Apoy sa Langit.

Sa seryeng Apoy sa Langit gagampanan ni Maricel ang karakter na Gemma, isang widowed jewelry designer at si Mikee naman ay ang anak nitong si Ning.

Makikilala ni Gemma ang karakter ni Zoren na si Cesar, dating furniture contractor ng pumanaw niyang asawa. Magiging sandalan at suporta ni Gemma si Cesar at tuluyang mahuhulog ang loob nya rito. Dahil kay Cesar, magkakaroon ng panibagong pagkakataon na mabuo ang pamilya ng mag-ina.



Darating din sa kanilang buhay ang magpapakilalang estranged daughter ni Cesar si Stella (Lianne). Magpapanggap si Stella bilang mabuting anak sa harap nina Gemma at Ning habang palihim niyang inaakit si Cesar para maibalik ang dati nilang naging samahan. Madidiskubre nina Gemma at Ning na ang babaeng itinuring nilang pamilya at kasama sa iisang bahay ay isa palang mistress ni Cesar.

Makakasama rin sa seryeng ito ang ilan sa mga kilalang mahuhusay na aktor sa Pilipinas. Si Ramon Christopher ay mapapanood sa kaniyang special appearance bilang si Rey Hidalgo. Si Mariz Ricketts ay muling magbabalik telebisyon sa Apoy sa Langit para bigyang buhay ang karakter ni Blessie Atienza. Ang multi-awarded na direktor at kilalang mahusay na aktor sa telebisyon, pelikula, at teatro na si Carlos Siguion-Reyna ay mapapanood naman sa GMA Afternoon Prime series bilang si Edong Tayag.

Mapapanood rin sa Apoy sa Langit sina Dave Bornea bilang si Anthony Zulueta, Coleen Paz bilang Patring Benepayo, Patricia Ismael bilang Lucy Fuerte, at Mio Maranan bilang si Toto Pancho.

Ang Apoy sa Langit ay handog ng GMA Afternoon Prime sa pamumuno nina Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth G. Rasonable, Vice President for Drama Cheryl Ching-Sy, Assistant Vice President for Drama Ali Marie Nokom-Dedicatoria, Senior Program Manager Camille Hermoso, Executive Producer Erwin Manzano Hilado, Senior Associate Producer May Robles Borja, at Junior Associate Producer Ynah Dizon.

Ang creative team ay pinangungunahan ni Creative Director Aloy Adlawan at Creative Head Dode Cruz. Isinulat ito para sa telebisyon nina Head Writer J-Mee Katanyag at Senior Writer Libay Trinidad-Villaroman. Kasama rin ang mga manunulat at brainstormers na sina Brylle Tabora, Carlo Ventura at Cynthia Paz.

Ang Apoy sa Langit ay nasa ilalim ng direksyon ni Laurice Guillen.

Abangan ang world premiere ng Apoy sa Langit ngayong May 2 sa GMA Afternoon Prime.