
Patuloy ang pag-angat ng acting career ni Herlene Budol na mas kilala sa pangalang "Hipon."
Matapos maging studio contestant sa variety game show na Wowowin noong 2019, nabiyayaan agad siya ng iba't ibang proyekto sa telebisyon bilang supporting cast member dahil sa kanyang pagiging natural na komedyante. Kabilang na riyan ang upcoming rom-com series na False Positive kung saan lalabas siyang personification ng folklore character na si Maganda.
Pero this time, hindi na minor ang gagampanang role ni Herlene dahil bibida na siya sa unang pagkakataon sa pamamagitan ng digital rom-com series na Ang Babae sa Likod ng Face Mask.
"Siyempre po, wala akong karapatang tumanggi. Siyempre, blessings 'yan. Tuwang-tuwa po ako na na-bless po ako na maging bida sa isang series. Sobrang masayang-masaya po ako sa nangyayari kaya ginalingan ko po nang sobra. Ginawa ko po 'yung best ko," bahagi ni Herlene sa panayam ng GMANetwork.com.
Ang Babae sa Likod ng Face Mask ay 13-episode series conceptualized ng retail company na Puregold. Ito ay mula sa produksyon ng award-winning filmmaker na si Chris Cahilig, at mula sa direksyon ng critically-acclaimed director na si Victor Villanueva. Loosely inspired ang serye sa '80s classic movie na Blusang Itim na base sa nobela ni Elena Patron.
Kahit baguhan sa pag-arte, panay papuri ang mga tao sa likod ng serye kay Herlene.
Gayunpaman, ayaw niyang makampante sa kanyang performance dahil alam niyang nagsisimula pa lang at may i-i-improve pa siya.
"Humingi rin po ako ng tulong at saka ayoko ko pong magalit sila sa 'kin on set kaya talagang ginagalingan ko sa lahat ng ginagawa ko.
"Humihingi ako ng mga payo talaga bago po ako sumalang. Nagkakabisa po ako ng script, diyan po ako mahina talaga.
"Napag-aaralan naman po lahat ng bagay kaya kung gusto mo po, may paraan."
Bukod sa first leading role ni Herlene, aabangan din ang tambalan nila ng hunk actor na si Kit Thompson na lalabas bilang Sieg sa retailtainment project.
Gagampanan ni Herlene dito ang papel na Malta, isang 25-year-old cashier. Todo-kayod si Malta para sa kanyang ina na si Madam Baby, na bibigyang buhay ni Mickey Ferriols.
Sa kwento, makikilala ni Malta ang gwapo ngunit malas sa pag-ibig na si Sieg. Mala-love at first sight si Sieg kay Malta kahit pa natatakpan ang mukha nito ng face mask.
Goal ng kuwento na i-boost ang kumpiyansa sa sarili at i-overcome ang insecurities ng mga taong makapanonood nito.
Tampok din sa Ang Babae Sa Likod Ng Face Mask ang kapwa Kapuso star at comedienne ni Herlene na si Kiray Celis na "very family" ang turing sa kanyang mga nakatrabaho para sa serye.
Aniya, "Wala ng adjustment kasi 'yung mga crew na nakasama ko, sila-sila din 'yung mga nakasama ko noon so sobrang chill lang.
"Sobrang saya, ang kukulit lang din naman namin at saka super chismisan nga pero ang maganda sa mga katrabaho ko, alam nila when to stop. Alam nila when to work, kung kailan din magchichikahan."
Kasama rin sa cast ng online series sina VJ Mendoza at Hasna Cabral.
Libreng mapapanood ang Ang Babae sa Likod ng Face Mask tuwing Sabado, simula March 26, 6 p.m. sa official YouTube channel ng Puregold.
Samantala, ngayong ganap nang lead star si Hipon, tingnan ang kanyang glow-up transformation sa gallery na ito: