Showbiz News

Barbie Forteza, may panibagong achievement ngayong taon

By Marah Ruiz

Isa na naman bagong achievement ang nakamit ni Kapuso actress Barbie Forteza ngayong taon.

Very proud na ibinahagi ni Barbie na marunong na siyang magmaneho ng sasakyan. Nag-enrol daw siya sa isang driving school at kamakailan ay opisyal nang natapos ang kanyang lessons.

Naging mas mature daw ang tingin niya sa kanyang sarili ngayong marunong na siyang mag-drive.

"I feel more independent and nararamdaman ko na talagang tumatanda na ako. Hindi na kailangan palaging nandiyan ang Daddy ko para ipag-drive ako. Siyempre may mga times na dapat ako na lang mag-isa, kaya ko naman," lahad ni Barbie.

Isa raw sa mga una niyang minaneho ang GMA Network Center sa Quezon City.

"GMA basement [parking], grabe, na-survive ko 'yun. Ang challenging noon! Kahit 'yung pababa pa lang ng basement, ang challenging pero kinaya ko naman," paggunita niya.

May dream destination din daw si Barbie para sa isang solo drive.

"Siguro 'yung pinaka realistic na gusto kong mapuntahan na ako ang mag-drive, Tagaytay. Gustung gusto kong pumunta doon--food trip tapos maganda 'yung weather," bahagi ni Barbie.

"Sana hindi ako antukin. Sana hindi traffic. 'Yun lang naman," pabirong dagdag ng aktres.

Katatapos lang ng matagumpay na GMA Telebabad series na Mano Po Legacy: The Family Fortune kung saan gumanap si Barbie bilang isa sa mga bida.

Sa ngayon, bahagya raw muna siyang magpapahinga.

"For now, I will spend some time with my family again. Also with myself, na-enjoy ko ang 'me time' ko ngayon. But every now and then, yes, may work pa rin naman. You still see me sa All Out Sundays," aniya.

Samantala, silipin ang mga red OOTDs ni Barbie sa gallery na ito: