
Walang hindi kayang gawin ang isang ina para sa kanyang pamilya. Iyan ang pinatunayan ni Maria Fe Cerezo De Paz, isang ina na patuloy na lumalaban gaano man kahirap ang buhay.
Mayroon mang sakit sa baga at asthma, tinitiis ni Nanay Maria ang bigat ng trabaho bilang isang utility worker sa mga condominium sa Quezon City para lamang makatulong sa asawa na isang construction worker.
Kasalukuyang naninirahan si Nanay Maria kasama ang asawa at tatlong anak sa Lower Quarry, Barangay Minuyan Proper, San Jose Del Monte, Bulacan.
Dahil hindi sapat ang kita para sa pag-aaral ng dalawang anak at gamot ng inang may sakit, kahit na ang mga pa-expire na pagkain mula sa gusaling pinagtatrabahuan ay iniuuwi ni Nanay Maria para lang makadagdag sa pagkain ng pamilya.
"Noon po inuuwi ko talaga lahat ng mapapakinabangan sa garbage room katulad ng mga food na hindi naman expired o kahit 'yung mga expired kinukuha ko na rin para naman sa alagang hayop namin at para sa amin naman 'yung mga malapit lang ma-expire," kuwento niya.
Ayon kay Nanay Maria, "sanay na" sila sa mga ganitong pagkain dahil dati na ring nangangalakal ang kanyang pamilya.
Maging sa social media ay nakikiusap din si Nanay Maria sa mga tao na ibigay na lamang sa kanila ang mga pa-expire at expired na nilang de lata, noodles, tinapay at iba pang mga pagkain kaysa naman mabulok ito sa basura.
Ngayon, ang tanging hiling ni Nanay Maria ay huwag siyang mawalan ng trabaho at makabili ng gamot para sa inang may sakit.
Kaya naman ang #InstantWish ni Nanay Maria ay agad na binigyang katuparan ng Wish Ko Lang at ng Fairy Godmother na si Vicky Morales.
Handog ng programa ang Wish Ko Lang savings para makatulong sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya ni Nanay Maria at makabili ng gamot ng inang may sakit.
Tulad ni Nanay Maria, may #InstantWish ka rin ba na gustong matupad?
Abangan kung kaninong #InstantWish ang susunod na bibigyang katuparan ng Wish Ko Lang.
Samantala, tingnan ang top 10 most viewed episodes ng Wish Ko Lang sa gallery na ito: