
Sa ika-pitong linggo ng I Hear Your Voice, isang malaking pagbabago ang mangyayari kay Zach ngayong nagbalik na ang kaniyang mga alaala.
Sa isang pagtitipon ng mga kapwa abogado ay inihayag ni Hayley ang kuwento kung paano nag-krus ang landas nila ni Matias. Inalala niya ang kaniyang intensyon na ipakita kay Doreen at sa ama nito na siya ang tama, at ang gulo sa isip niya pagkaraang ipilit ng prosecutor na ang pagsisinungaling niya sa korte ay isang scare tactic upang makulong si Matias Min.
Sa pagkakataong ito ay si Doreen naman ang nagbahagi ng kaniyang papel sa kaso ni Zach at Matias Min noong bata pa siya. Ayon sa kaniya, lagpas sa isang dekada niyang pinagsisihan ang hindi pagtestigo sa kaso ni Zach. Ipinaliwanag din ni Doreen na dito nanggaling ang kaniyang galit kay Hayley - dahil nakita ng huli ang kaniyang pagiging duwag.
Habang nagsusuot ng damit ay may napansin na peklat si Zach, na siya namang gumising sa alaala ng pag-atake sa kaniya at Hayley ni Matias. Mula rito ay tuloy-tuloy na ang panunumbalik ng kaniyang mga alaala, simula ng pagpatay sa kaniyang ama, sa unang pagtatagpo nila ni Hayley, hanggang ang pagtatagpo nila pagkaraan ng isang dekada.
Dahil natuklasan na buhay pa si Matias Min, ligtas mula sa kaso si Zach. Ngunit imbes na matuwa, nalungkot lamang si Zach dahil ang ibig sabihin ay patuloy pa ring nasa panganib si Hayley. Ngunit para kay Hayley, importante sa kaniya na tinupad ni Zach ang pangako nitong hindi maging mamamatay-tao.
Maliban sa pagbalik ng kaniyang mga alaala, muli ring nanumbalik ang kapangyarihan ni Zach na magbasa ng utak. Pero itinatago pa niya ito mula kay Hayley, kung kaya't hindi alam ng huli na narinig ni Zach na meron siyang namumuong damdamin para sa binata.
Ngayong magkasama na muli sila Hayley at Zach, nanumbalik ang dati nilang pakikitungo sa isa't-isa. Muling pinaghahanda ng almusal ni Zach si Hayley, at nag-presenta na ihatid ito sa opisina. Sa muling panunumbalik ng kanilang mga lumang habit, hindi maiwasan na mas lalong lumalim ang nararamdaman ni Hayley para sa binata.
Sa panibagong kaso na hinahawakan ni Hayley ay kailangan niyang gamitin ang self-defense upang mapawalang-sala ang kaniyang kliyente. Upang mapalakas ang kaniyang kaso, gumawa ng experiment si Hayley upang ipakita na ang kawalan ng pakialam ng mga kapitbahay ng nasasakdal ang siyang nagtulak dito upang protektahan ang sarili, na sa kasamaang-palad ay nag-resulta sa pagkamatay ng biktima.
May panibagong kaso na naman na hahawakan si Hayley - ang kaso ni Damian Hwang. Espesyal itong pabor na hinihingi ni Attorney Shin sa kaniya. Kakaiba ang kaso dahil nakulong si Damian Hwang ng 26 na taon dahil sa pagpatay sa kaniyang asawa, ngunit lumalabas na hindi pala patay ang kaniyang asawa.
Patuloy na subaybayan ang I Hear Your Voice, Lunes hanggang Huwebes, 11:30 p.m., sa GMA.