
Masaya ang Sparkle talent na si Zonia Mejia sa mainit na pagtanggap at patuloy na suporta na ibinibigay sa kanya ng GMA Network.
Isa si Zonia sa mga bagong Sparkle teen actress na nagpapakilig ngayon sa mga manonood katambal ang kanyang onscreen partner na si Jamir Zabarte sa newest sitcom na Jose and Maria's Bonggang Villa kasama ang real-life Kapuso couple na sina Family Feud game master Dingdong Dantes at Tadhana host na si Marian Rivera.
Matatandaan na unang napanood sa telebisyon si Zonia sa reality talent show na Pinoy Big Brother.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Zonia na nagpapasalamat siya sa GMA sa mainit na pagtanggap sa kanya at sa pagtitiwala na mabigyan ng magagandang proyekto.
Aniya, "Ang maging parte po ng GMA Network at Sparkle GMA Artist Center ay isang malaking karangalan na po sa akin at talagang pinagpapasalamat ko po.
"Sa lahat ng opportunities na ipinagkakaloob po nila sa akin at ipinagkakatiwala ay lagi ko pong ginagalingan siyempre at nagpapasalamat ako, sobra akong grateful dahil hindi nila ako pinapabayaan at inaalagaan nila ako nang mabuti and tinutulungan nila ako na maka-inspire ng mga tao, ng maraming tao na maging blessing sa ibang tao rin," pagpapatuloy niya.
"Alam ko na marami pa akong pwedeng i-offer sa mga Kapuso natin at syempre sa GMA and excited ako sa mga susunod pang taon na kasama ko at kaakbay ko, kayakap ko ang GMA Network," dagdag pa niya.
Bilang isa sa mga bagong Kapuso, ibinahagi rin ni Zonia ang kanyang excitement sa nalalapit na GMA Thanksgiving Gala kung saan first time niyang makikita ang ilan pa sa mga Kapuso stars.
Kuwento niya, "Oh my gosh, syempre sobrang excited ako na makasama ko lahat ng GMA Kapuso Artist, 'di ba kasi itong event na 'to, ito lang 'yong mga panahon na magkakasama-sama lahat ng artista ng GMA.
"Ako naman, hindi ko pa nakikita at nakakausap lahat ng artista ng GMA so excited ako na makita sila in person, makausap sila in person at mapakilala ko ang sarili ko sa kanila in person 'di ba? and ayon, sobrang excited and looking forward na makita at makausap at makipag-bonding sa lahat."
Samantala, ang GMA Thanksgiving Gala na gaganapin sa July 30 sa Shangri-La The Fort ay magsisilbi ring fundraising event na bahagi ng selebrasyon ng ika-72 taong anibersaryo ng GMA Network.
MAS KILALANIN NAMAN ANG SPARKLE ACTRESS NA SI ZONIA MEJIA SA GALLERY NA ITO: