
Kilala si Maki Pulido bilang isa sa mga primyado at tanyag na broadcast journalists sa bansa dahil sa kanyang dedikasyon sa paghahatid ng mga kuwento at isyu na kinakaharap ng ating mga kababayan sa loob at labas ng Pilipinas.
Sa isang panayam sa GMA Public Affairs host, nagbigay siya ng ilang payo para sa younger generation na nais maging misyon ang paghahatid ng kuwento ng mga Pilipino sa mundo.
Isa na rito ay ang malalim na koneksyon sa mga tao sa pamamagitan ng pakikipag-usap at pagkilala sa kanilang buhay dahil dito nagsisimula ang isang istorya.
“Dapat lagi kang nakikipag-usap kasi kapag nauunawaan mo kung ano 'yung pinagdadaanan ng mga kababayan natin, mailalagay mo 'yung istorya sa tamang konteksto tapos mas maiintindihan mo 'yung kailangan mong ikuwento,” pagbabahagi niya.
Ayon pa sa itinuturing na "The Fearless Journalist," patuloy lamang na natututo ang mga mamamahayag sa bawat istorya na kanilang ginagawa.
Patuloy niya, “Journalism is also a journey of learning. Habang ikaw ay nakikipag-usap sa mga tao habang pinag-aaralan mo 'yung mga dokumento, natututo ka rin.
“Habang natututo ka, mas lumalawak 'yung pagkakaintindi mo doon sa isyu na kailangan mong maikuwento. At the same time, habang ginagawa mo 'yung istorya, you're learning a lot.”
Sa mahigit dalawang dekada ni Maki bilang mamamahayag, ang pangarap lamang daw niya ay ang makapaghatid ng mga istorya na mayroong impact para sa ikabubuti ng ating mga kababayan.
Aniya, “Hindi lang 'yung impact do'n sa taong mga nakilala ko habang nasa coverage pero 'yung impact na… sana doon sa istorya na nagawa ko may nagbago. Tapos dahil nagbago siya… para sa ikabubuti ng mga kababayan natin who needs change a lot.
“'Yun lang ang pangarap ko, na magkaroon ng pagbabago dahil ang pagkuwento natin hindi lang naman dahil gusto mo magkuwento. Pero dahil gusto mo na dahil doon sa kuwento na 'yon may namulat, may nabago, para sa ikabubuti ng mga kababayan natin.”
SAMANTALA, ALAMIN ANG IBA'T IBANG AWARD-WINNING SHOWS NG GMA PUBLIC AFFAIRS SA GALLERY NA ITO.