
Sa unang linggo ng The Wolf, nakilala natin ang mga karakter na siyang bumubuo sa masalimuot na kwento ng paghahanap ng hustisya.
Habang nasa kagubatan, ang isang mag-ama ay maingat na nangangaso sa di umano'y pinamamahayan ng isang taong-lobo. Kahit maingat ang ama, ang kaniyang anak naman ay hindi naniniwala at itinuturing itong isang haka-haka lamang. Kung kaya laking gulat na lang ng dalawa ng makasalubong ang taong-lobo.
Kung nakakapangilabot man ang taong-lobo sa iba, ito ay dahil sa kagagawan ni Ma Zhai Xing, na nais nang itigil ang pangangaso ng mga lobo sa kanilang lugar. Ang katotohanan ay maamo ang tinaguriang taong-lobo, at malambot ang puso nito para kay Ma Zhai Xing.
Gayunpaman, hindi tinadhana na magtagal ang masasayang araw ng dalawa, dahil isang engkwentro sa isang makapangyarihang heneral ang magdudulot ng kaguluhan sa kanilang buhay. Ngayon, hinahanap ng mga kawal ang taong-lobo.
Upang maiwasan ang isang malaking pagkakamali, sinikap ni Ma Zhai Xing na pigilan ang pagdakip sa taong-lobo. Sa kagubatan naman, tumungo ang taong-lobo upang puntahan si Ma Zhai Xing.
Sa kasamaang palad, hindi si Ma Zhai Xing ang kanyang nakita kundi ang kapatid nitong si Ji Chong. Pero bago pa patayin ang taong-lobo ay iniligtas ito ng mga lobong nagpalaki sa kanya.
Ilang taon na ang lumipas mula ng magkahiwalay si Ma Zhai Xing at ang taong-lobo. Ngunit kung dati ay maamo pa ang taong-lobo, isa na siya ngayong kinatatakutang prinsipe na paboritong anak ng emperador.
Pagkaraan ng ilang taong pagkakahiwalay, akala ni Ma Zhai Xing ay muli na silang magkikita ng taong-lobo, na ngayon ay mas kilala bilang Prinsipeng Lobo. Ngunit hindi ang kaniyang inaasahan ang nangyari.
Patuloy ang mga masamang pangyayari sa buhay ni Ma Zhai Xing. Sa kalaliman ng gabi, sa gitna ng malakas na buhos ng ulan, inatake siya at ang kanyang ama, at sa huli ay naging saksi siya sa pagpatay sa kanyang ama.
Patuloy na abangan ang Chinese drama na The Wolf sa GMA, mula 11:30 p.m. hanggang 12 a.m.