
Ilang araw na lang ay Pasko na kaya naman una nang magbibigay ng 'Unli Saya' ngayong holiday season ang longest-running morning show sa bansa na Unang Hirit.
Bilang pasasalamat sa suporta at patuloy na pagtangkilik ng loyal viewers sa programa, may handog na sorpresa ang Pambansang Morning Show bilang parte ng kanilang ika-23 anibersaryo.
Isang linggong maghahatid ng espesyal na regalo ang Unang Hirit sa kanilang anniversary celebration na magsisimula sa Lunes, December 5, hanggang Biyernes, December 9.
Sa loob ng 23 years, naging parte na ng buhay ng bawat Pilipino ang Unang Hirit. Mula paggising sa umaga, ang Unang Hirit na ang naghahatid ng maiinit na balita, masasayang kuwento, at Serbisyong Totoo. Ang UH Barkada ay binubuo nina Arnold Clavio, Susan Enriquez, Connie Sison, Ivan Mayrina, Mariz Umali, Suzi Entrata-Abrera, Lyn Ching, at Love Añover-Lianko, at ang mga eksperto na sina Nathaniel “Mang Tani” Cruz at Atty. Gaby Concepcion.
Ngayong taon, lalo pang pinasaya ang bawat umaga kasama sina Chef JR Royol, Shaira Diaz, at Kaloy Tingcungco.
Kung ano ang mga regalo at iba pang sorpresa na naghihintay sa UH viewers, tumutok lang sa Unang Hirit, weekdays, 5:30 a.m. hanggang 8:00 a.m. sa GMA.
Maaari rin itong subaybayan online via livestream sa Facebook, TikTok, at YouTube.