
Pitong taon nang nasa maritime industry ang seaman na si Jovane Madera na tubong Tago, Surigao Del Sur.
Aminado si Jovane na natatakot siya para sa kanyang sarili tuwing masama ang panahon habang naglalayag.
Aniya, tila nakabaon ang isa niyang paa sa hukay tuwing nasa gitna ng karagatan.
Gayunpaman, lahat ng ito ay tinitiis niya alang-alang sa kanyang pamilya, ayon sa isang episode ng online series ng GMA Public Affairs at YouTube na Pinoy Christmas In Our Hearts.
"Kinakaya ko po lahat kahit gaano kahirap ang trabaho sa barko kasi alam ko ginagawa kong lahat ng ito para sa pamilya ko, para kay lola ko.
"'Yung lola ko, siya po talaga 'yung number one supporter ko sa mga hilig kong gawin kaso ngayon po dahil sa katandaan, meron na po siyang problema sa pandinig kaya minsan 'pag umuuwi ako sa amin, 'di niya ko ma-recognize 'pag nasa malayo ako. Kailangan mo talagang ulit-ulitin 'yung pagsasalita."
Nagsisikap si Jovane sa kanyang trabaho bilang second engineer ng isang barko para masuportahan ang kanyang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Sabi niya, "Kaya tuwing pumapasok 'yung sahod namin, ang unang-unang ko pong ginagawa ay magpadala sa kanila."
Ngayong Pasko, muling makakapiling ni Jovane ang kanyang pamilya at may hatid pang sorpresa para sa kanila.
Sa Pinoy Christmas In Our Hearts, naka-collab pa niya ang sikat na vlogger na si Small Laude na katulong niya sa pamimili ng mga pasalubong sa sampu niyang kamag-anak.
Pero ang challenge, may halaga lamang silang dapat magastos.
Si Jovane ay may PhP25,000 shopping budget na mula sa kanyang Christmas bonus, samantalang si Small naman ay mayroon lamang PhP2,500.
Hirit ng socialite at entrepreneur, "Anong mabibii ko dito? Oh my god, 'di ako sanay. My god pang merienda...So let's see how galing I am."
Sinorpresa naman ni Small ang lola ni Jovane na si Hanedina Espinoza ng isang espesyal na regalo na matagal na palang pinag-iipunan ng seaman.
"Dati po talaga nag-iipon na po ako para mabilhan ko si nanay ng hearing aid niya. Malaking tulong po ito kay lola po," emosyonal na sambit ni Jovane.
Panoorin ang buong video sa itaas.
SAMANTALA, KILALANIN ANG YOUTUBE STAR NA SI SMALL LAUDE SA GALLERY NA ITO: